Pramis ng IATF na magkakaroon ng 90-K hanggang 100-K tests kada araw, anyare?
- BULGAR
- Aug 22, 2021
- 2 min read
ni Nancy Binay - @Be Nice Tayo | August 22, 2021
Mula Agosto 21 hanggang 31 ay ilalagay na sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) ang Metro Manila at Laguna. Samantala, ang Bataan naman ay ilalagay sa MECQ. mula Agosto 23 hanggang 31.
Ito ay bagama’t muling dumarami ang COVID-19 infections kahit na inilagay sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) ang National Capital Region (NCR) noong nakaraang dalawang linggo.
Noong nagdeklara ng ECQ sa NCR, umasa tayong paiigtingin ang testing capacity at contact tracing efforts ng bansa. Nakalulungkot dahil tila hindi ito nangyari at hindi nagamit ng maayos ng IATF ang ginawang lockdown.
Ano na nga ba ang nangyari sa ipinangako ng IATF na magkakaroon ng 90,000 hanggang 100,000 tests kada araw? Hanggang ngayon ay pumapalo lang tayo sa higit 50,000 tests kada araw.
Dahil kulelat pa rin tayo pagdating sa testing, malamang ay mas aakyat pa ang positivity rate dahil malaking bahagi ng ating populasyon ang hindi pa nahahagip ng testing.
☻☻☻
Lilinawin natin, hindi natin hinihinging i-test lahat. Ang kailangan natin ngayon ay rationalized, targeted cluster approach para masupil ang pagkalat ng virus sa community level.
Hindi puwede rito ang bara-bara lang. Importante ang pagkakaroon ng localized community testing, contact tracing at disease surveillance, lalo na sa mga level-4 at level-3 areas na natukoy na ng Department of Health.
Nagagawa naman ito ng ilan sa ating mga lokal na pamahalaan kaya hindi natin maintindihan kung bakit hindi ito magawa ng IATF.
Halimbawa, sa Navotas mayroong libreng 24/7 testing operation. Siguro naman walang dahilan para hindi magawa ng IATF testing czar na gawin ding 24-hour operation ang government testing facilities.
Sa patuloy na paglala ng pandemya, lubhang napakahalaga ng pagkakaroon ng mabilis at maayos na COVID-19 testing sa ating mga high-risk na komunidad.
☻☻☻
Paalala lamang sa lahat na manatili sa loob ng bahay, ugaliing maghugas ng mga kamay, bigyang-halaga ang kalusugan, at huwag kalilimutang magdasal.
Malalagpasan din natin ito.
Be Safe. Be Well. Be Nice! ☻
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US! Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay








Comments