Pramis na trabaho sa K-12 graduate, matupad na sana
- BULGAR
- Jul 7, 2024
- 2 min read
by Info @Editorial | July 7, 2024

Hindi pa man tuluyang nakakaupo sa puwesto, marami nang paalala at pakiusap sa bagong kalihim ng Department of Education (DepEd) na si Sen. Sonny Angara.
Kabilang na sa mga ito ang usapin sa K-12 program partikular na ang pangako sa mga graduate nito na magkakaroon agad ng trabaho.
Bilang tugon, hinikayat umano ni Angara ang ahensya ng gobyerno at mga kumpanya na mag-hire ng senior high school graduates sa trabaho na nangangailangan ng simpleng gawain.
Mapapansin naman natin na karamihan sa job qualifications sa bansa ay nananatiling kailangan na makakumpleto ng college degrees, dahilan para ang pramis na K-12 employability ay hindi naman naisakatuparan.
May mga nagsasabi na kasalanan daw ng iskul kung bakit walang makuhang trabaho ang mga graduate ng K-12, habang meron ding sinisisi ang mga employer o ahensya na ang gustong empleyado ay college graduate kahit simple lang ang trabaho.
Sa ngayon, nagpapatuloy ang K-12 curriculum review para matukoy kung kailangan pa ang rebisyon at tugunan ang “skills mismatch at employability challenges”. Umaasa tayo na anuman ang maging resulta nito ay agad na matutugunan ng kinauukulan.
Samantala, hinihintay din na maisabatas ang Senate Bill 2367 o Batang Magaling Act, na layong i-revise ang eligibility requirements para sa government employment para ikonsidera ang SHS graduates, makatutulong umano ito na mapalakas ang kanilang employability. Kumbaga, ito ang magsisilbing daan para matupad ang pangakong trabaho agad sa K-12 grad.
Kaugnay nito, patuloy ang panawagan para sa isang holistic approach pagdating sa pagpapahusay sa sistema ng edukasyon.
Sa ngayon, inaabangan na ang magiging diskarte ng incoming secretary sa mga alalahanin ng mga guro, magulang at estudyante. Nawa’y mas mapagtuunan ng pansin ang mga problema na matagal nang iniinda at pumipigil sa pag-unlad ng edukasyon sa bansa.



Comments