top of page
Bea Alonzo - IG.jpg

Pramis na suweldo at benepisyo sa health workers, anyare?!

Writer: BULGAR
BULGAR
Nov 23, 2020
2 min read

ni Ryan Sison - @Boses | November 23, 2020


Laging nagmamakaawa.


Ito ang idinaraing ng ilang health workers na kinuha para sa pagtugon sa pandemya bago makatanggap ng suweldo, gayundin ang naantalang mga benepisyo tulad ng hazard pay at special risk allowance.


Sa kabilang banda, naantala rin ang sahod ng mga contractual nurse. Kuwento ng isang nurse, patapos na ang kanyang kontrata, pero inaabot ng buwan ang pagka-delay ng sahod.


Anang isa pang nurse, akala niya’y nagbunga ang paghihirap nang itaas sa P32, 000 ang kanyang suweldo, ngunit binawi rin kalaunan. Nakasasama umano ng loob dahil grabe na ang hirap sa trabaho, kailangan pang tustusan ang pangangailangan ng pamilya.


Ang ilan tuloy sa kanila, ikinokonsidera na ang pag-a-abroad dahil anila, ‘di bale nang malayo sa pamilya, matiyak lang na sapat at natutustusan ang kanilang pang-araw-araw na pangangailangan.


Matatandaang sa ilalim ng administrative order No. 35, may P3,000 hazard pay ang mga health workers kada buwan, habang may hiwalay din silang COVID-19 special risk allowance na hindi lalagpas sa P5,000 sa ilalim naman ng order No. 36.


Sa totoo lang, nakakaawa dahil hanggang ngayon, hindi pa rin nila nakukuha ang mga bagay na ipinangako sa kanila. Tipong pagod at stressed na sila sa duty, kailangan pang magmakaawa para sa sahod.


Gayundin, pinili nilang magsilbi sa Pilipinas, pero anila, gobyerno mismo ang nagbibigay ng dahilan para umalis sila sa bansa.


Kung hindi maaayos ang sistema, baka ang ending nito, lahat sila ay nasa abroad na.

Tandaan, hindi lamang sila mga propesyunal dahil sila rin ay magulang o anak na may iba pang responsibilidad.


Sana ay sapat nang dahilan ang pagbubuwis nila ng buhay para ibigay ang tamang suweldo at benepisyo na karapat-dapat nilang matanggap.


Panawagan sa mga kinauukulan, galaw-galaw. ‘Wag nating hintayin na maubos ang ating health professionals bago tayo umaksiyon.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page