Pramis, ‘di raw siya naghihirap… WILLIE: MAY BAGO AKONG BAHAY, 3 CHOPPERS AT YATE
- BULGAR

- 45 minutes ago
- 4 min read
ni Janiz Navida @Showbiz Special | January 24, 2026

Photo: IG _willrevillame
Tinatawanan na lang ng nagbabalik na host na si Willie Revillame via Wilyonaryo ang mga nagkakalat ng balitang naghihirap na siya at nagbebenta na ng kanyang mga properties dahil naubos daw ang kanyang pera nang tumakbong senador last election.
Sa panayam ng press kay Kuya Wil recently, diretsahang sinabi nito na “Hindi totoo ‘yun. Minsan, matatawa ka na lang sa mga ikinukuwento ng iba.”
Kung nagbebenta man daw siya ng ilang properties, ‘yun ay para i-invest sa ibang properties na gusto niyang bilhin na mas malaki ang value.
“Sa totoo lang, isa lang ang naibenta ko sa Tagaytay kasi sobrang laki nu’ng tatlong hectares. Sobrang laki nu’ng naging deal. Parang hindi ko na rin maasikaso. ‘Yung pera (na napagbentahan), nabili ko ‘yung ibang properties (tulad) nu’ng penthouse sa Grand Hyatt. Dalawang floors ang binili ko roon. Buong floors, ha? Hindi isang unit lang,” kuwento niya.
Itinanggi rin niyang naibenta na niya ang kanyang mansiyon at yate.
“Sa yate, naroon pa rin ‘yung yate. May private resort ako sa Puerto Galera. Malaking investment ‘yan. Pinapaganda ko, high-end hotel.”
Kinumpirma rin niya ang una na naming naisulat noon na bumili siya ng condo unit sa BGC, Taguig.
“Mayroon akong biniling buong floor (49th floor) sa BGC. Binili ko ‘yung buong penthouse sa BGC. Bumili ako ng apat na units sa tapat ng Mitsukoshi. Baka sabihin, nagyayabang, pero tinanong lang,” aniya.
Dagdag pa nito, “May bago akong bahay. Ayaw ko na sanang sabihin. Para sabihin n’yo na hindi ako naghihirap, may tatlo akong choppers. Binili ko ‘yung yate ko, para hindi na ako mukhang naghihirap.”
Hirit din ni Kuya Wil, kung anumang yaman ang meron siya ngayon, pinaghirapan niya lahat at hindi ‘yun galing sa nakaw.
Never din daw niyang ipinagyabang sa social media ang kanyang mga naipundar na properties, sasakyan, etc..
Samantala, bubuksan ni Kuya Wil ang bagong yugto ng mga game shows sa Pilipinas dahil ibang klaseng programa ang kanyang inihanda.
Bilang hybrid na programang maihahambing sa mga patok na e-gaming platforms sa bansa ngayon, orihinal na plano talaga na sa online ito mapanood bago pa man inialok ang pagpapalabas sa Kapatid Network.
Kaya sa January 25, dalawang araw bago ang ika-65 kaarawan ng Pambansang Kuya, ilulunsad ang Wilyonaryo sa official website na wilyonaryo.com.
Hindi normal na palabas ang Wilyonaryo dahil bukod sa nakasanayang mga palaro ni Kuya Wil, hatid din niya ang WILPICK na isang raffle game.
Aprubado ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) ang WILPICK segment ng Wilyonaryo kung saan maaaring bumili ng ticket ang mga kababayan natin mula Luzon, Visayas, hanggang Mindanao para sa pagkakataong manalo ng milyun-milyon.
Kung dati ay kailangan pang nasa studio ang mga manlalaro para subukan ang kapalaran, ngayon ay puwede nang sumali kahit nasa bahay lang para maging milyonaryo.
Para updated ka sa mga sorpresa ni Kuya Wil, mag-follow at subscribe sa official social media accounts ng Wilyonaryo.
Patutsada sa utol na si Sen. Raffy…
BEN: WALA AKONG CHICKS AT BINIGYAN NG TIP
Isa ang TV and radio broadcast journalist na si Ben Tulfo sa mga advocates ng flood control projects scam na malaking problema ngayon sa bansa, kaya isa siya sa mga naging panelists sa ginanap na Pandesal Forum sa Kamuning Bakery ni Wilson Lee Flores nu’ng Huwebes kasama sina DPWH Secretary Vince Dizon, Cong. Toby Tiangco at Prosecutor General Richard Fadullon.
Tulad nina Sec. Dizon, Cong. Toby at PG Fadullon, naniniwala si Ben na mareresolba rin ang most controversial scam ngayon sa gobyerno pero kakailanganin ng matinding imbestigasyon at hindi madali ang proseso kaya hindi dapat magmadali ang taumbayan sa pagpapakulong sa mga personalidad na nasasangkot.
Sa kaso ni dating Sen. Bong Revilla, Jr. na kaibigan din naman daw niya, nalulungkot siya sa nangyari rito na kinasuhan ng graft at malversation of public funds, pero naniniwala siyang hindi ito mabibigyan ng warrant of arrest nang hindi dumaan sa due process.
Para kay Ben, sa pagpapatupad ng batas, walang dapat na sinisino kahit kaibigan, kamag-anak o sariling kadugo.
Tulad na nga lang nang pitikin niya ang pamangking si Cong. Ralph Tulfo na anak ng kapatid niyang si Sen. Raffy Tulfo. Kahit daw magkapamilya sila, dahil may sarili siyang advocacy at opinyon at dahil may ginawa raw na mali ang kanyang pamangkin na public servant, kailangan niya itong pitikin at hindi kunsintihin.
Kinumusta nga namin ang relasyon nila ngayong magkakapatid dahil hindi naman kaila sa lahat na nagkakaroon sila ng ‘word war’ ni Sen. Raffy at ng panganay na si Ramon Tulfo dahil sa magkakaiba nilang pananaw sa buhay at pulitika.
Inamin ni Ben na kahit dumaan ang Pasko at Bagong Taon ay hindi sila nagkakausap na magkakapatid dahil may kani-kanya na silang buhay. Pero idiniin din naman niyang hindi sila magkakaaway dahil bali-baligtarin man ang mundo ay iisang dugo lang ang nananalaytay sa kanila.
Aniya para kay Sen. Raffy, “Hindi kami nag-uusap. Wala akong paki sa ginagawa niya bilang senador. Wala rin siyang paki sa pagiging media ko.”
Pero dagdag nito, “Maaaring hindi tutugma doon sa kanilang pinaggagagawa, pero hindi ibig sabihin na magkaaway kami. Magkagalit ba kami? Hindi.”
Tapos ay bigla itong kumambiyo, “Siguro du’n sa matanda, buwisit ako, si Ramon. Kahit ano’ng sabihin, pero mahal ko pa rin ‘yung topak na ‘yun.”
May naging patutsada rin siya kay Sen. Raffy na ilang beses nang naintriga dahil sa babae.
“May apo na ako, pero wala akong chicks. Wala naman akong pambayad sa tip. Wala akong pambayad para du’n sa kapag natuwa ako dahil sa kasuotan mo dahil sasayaw-sayaw ka,” ani Ben habang pangiti-ngiti.
Well, dahil kilalang pare-parehong palaban ang Tulfo Brothers na noon ay magkakakampi pero ngayon ay kani-kanya na nga, sila tuloy ang sinasabing male counterpart ng Barretto Sisters na sina Gretchen, Marjorie at Claudine Barretto.








Comments