Powerful pa rin si Atty. Vic Rodriguez
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | September 19, 2022
HINDI SINIBAK SI ATTY. RODRIGUEZ KASI GINAWA SIYANG CHIEF OF STAFF NI P-BBM—Fake news ang pinakakalat sa social media na sinibak ni Pres. Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. si Atty. Vic Rodriguez bilang executive secretary kasi ang totoo niyan ay kusa siyang nagbitiw sa puwesto sa pag-amin na hirap siyang pagsabayin ang paglilingkod bilang executive secretary, na halos 24/7 ang trabaho at pag-aruga sa kanyang pamilya.
Ang patunay na hindi sinibak si Atty. Rodriguez ay sa pamamagitan ng administrative order number 1 ni P-BBM, base sa rekomendasyon ni Presidential Legal Counsel Juan Ponce Enrile ay nagtatag ang pangulo ng bagong tanggapang Presidential Chief of Staff (PCS) na kanyang pamumunuan at ang opisinang ito ay nasa ilalim ng Office of the President.
Ulitin natin, ha, hindi sinibak si Atty. Rodriguez kasi kung sinibak siya ay hindi na siya itinalaga ni P-BBM bilang head ng PCS, na ayon sa special order ng pangulo ay may ranggo itong secretary, may kahalintulad na suweldo ng mga cabinet secretary, bukod d'yan, ang bagong tanggapang ito ay may senior deputy chief of staff, dalawang deputy chief of staff, may assistant secretary, directorial at administrative staff.
◘◘◘
SA BAGONG PUWESTO NI RODRIGUEZ, MALILINTIKAN ANG MGA LOKO SA GOBYERNO—Hindi rin maituturing na demoted ang bagong puwesto ngayon ni Rodriguez dahil ang function ay kahalintulad ng dalawang ahensyang binuwag ni P-BBM—ang Office of the Cabinet Secretary at Presidential Anti-Corruption Commission (PACC).
Para sa kaalaman ng publiko, Cabinet Secretary ang pinaka-bastonero ng Malacañang, at idagdag pa riyan 'yung anti-corruption na commission, kaya 'yung mga loko na government officials ay tantanan na ang paggawa ng kalokohan kasi lagot kayo, baka malintikan kayo kay PCS Sec. Rodriguez.
◘◘◘
BAGONG PUWESTO NI ATTY. RODRIGUEZ, POWERFUL PA RIN—At para pa rin sa kaalaman ng publiko, base sa guidelines na inilabas ng Malacañang, ang OCS ni Rodriguez ay magiging katuwang ang Presidential Management Staff at Office of the Press Secretary, magsisilbi itong "coordination mechanism" ng Office of the President, incharge sa security monitoring system, direktang pakikipag-ugnayan sa mga presidential advisers, secretaries, undersecretaries at assistant secretaries at responsable sa pagbibigay ng situation reports ng bansa sa pangulo.
Sa madaling salita, powerful pa rin ang posisyon ni Rodriguez.
◘◘◘
HINDI NAGKAMALI SI P-BBM KAY GEN. AZURIN AT HINDI NAGKAMALI ANG PNP CHIEF KAY NCRPO DIRECTOR ESTOMO—Inanunsyo ni National Capital Region Police Office director, Gen. Jonnel Estomo na bumaba ng 4% ang crime rate sa Metro Manila.
Kung totoo 'yan, hindi pala nagkamali si P-BBM sa pag-appoint kay Gen. Rodolfo Azurin bilang PNP chief at hindi rin nagkamali ang PNP chief sa pagtalaga kay Gen. Estomo sa NCRPO.





Comments