Power ni Vice, wa' epek… CIANNE, GINASTUSAN NA NG IT'S SHOWTIME CO-HOSTS, TSUGI PA RIN SA PBB

ni Beth Gelena @Bulgary | November 23, 2026

Photo: Cianne sa PBB Collab 3.0 - Pinoy Big Brother - YT
Hindi man nailigtas ng mga boto ang pananatili ni Cianne Dominguez sa Bahay ni Kuya, hindi naman dito nagtatapos ang kanyang oportunidad sa showbiz dahil seryoso si Vice Ganda sa pangakong tutulungan siyang magkaroon ng exposure at chance na maipagpatuloy ang kanyang career.
Matatandaang bago pa ang Pinoy Big Brother Collab 3.0 eviction night, nagpahayag na ang host ng plano para kay Cianne sakaling matanggal ito sa reality show.
Sa episode ng IS nitong Huwebes, Nobyembre 19, sinabi ni Vice na patuloy siyang susuporta para kay Cianne, pero hindi siya sigurado kung sapat iyon para makahabol ito sa botohan.
Sey ni Vice, “Mahahabol pa ba natin? Basta ang mahalaga, tutulungan natin s’ya paglabas.”
Makikitang tumatawa sina Jhong Hilario, Anne Curtis at Vice.
Ani Jhong, “Ano’ng sabi mo? Hahaha!”
Sagot ni Vice, “Sa group chat (GC)? ‘Ako na bahala sa exposure paglabas.’”
Lumakas pa lalo ang tawa ni Anne.
Pahabol ni Vice, “Mukhang malaki-laki gagastusin rito (pagboto), bigyan na lang natin ng exposure ‘pag nakalabas.’”
At hindi nga nailigtas ng boto ang housemate dahil sa ikalawang eviction night nitong Sabado, Nobyembre 21, opisyal nang inanunsiyo ang paglabas nina Cianne at Kapuso housemate Nicole Fortuna.
Batay sa resulta ng botohan, 3.98% lamang ng votes to save ang nakuha ni Cianne, habang 23.92% naman ang kay Nicole.
Sila ang dalawang nakakuha ng pinakamababang porsiyento sa anim na nominado.
Nakaligtas naman sa eviction sina Primo Alterado, Nathan Garcia, Raheel Bhyria at Bela Arcal.
Wala pang kumpirmasyon kung ano’ng partikular na proyekto o oportunidad ang ihahanda ni Vice para kay Cianne, pero malinaw sa kanyang pahayag na hindi niya hahayaang matapos sa eviction ang pagtulong niya rito.
Bashers ng aktres, idedemanda raw…
MIKEE, NA-BASH DAHIL SA PANGUNGUTYA SA PWDS, KINAMPIHAN PA NG GMA SPARKLE
NA-BASH nang malala ang Kapuso actress na si Mikee Quintos dahil sa kontrobersiyang kinasangkutan nila ni Cianne Dominguez sa loob ng Bahay ni Kuya, partikular ang umano’y panggagaya nila sa mga kilos at paraan ng pagsasalita ng mga persons with disabilities (PWD).
Kumalat ang video clips kung saan makikitang ginagaya nilang dalawa ang pagganap ni Robbie Jaworski bilang ‘Budoy’ at pulubi sa kanilang weekly task.
May mga manonood na nakitang hindi na simpleng paggaya sa karakter ang ginawa kundi tila ginawang katatawanan ang mga katangiang iniuugnay sa mga taong may kapansanan.
Well, may mga pumupuna rin sa umano’y pagiging backstabber at bully ni Mikee, pati sa ilang kilos nito sa loob ng bahay tulad ng pagiging sobrang clingy nito kay Jeo Ong at pagiging attitude kay Primo Alterado.
Mas nadismaya ang ilang netizens dahil dati siyang nagbabahagi ng anti-bullying advocacy, pero ngayon ay nasasangkot sa isyung may kaugnayan sa pangungutya sa mga PWDs.
Sey ng mga netizens:
“Mocking persons with disabilities is NEVER funny.”
“At your age, you should know better.”
“Fame is temporary, but a bad attitude leaves a lasting impression.”
Hindi lamang mga netizens ang nagpahayag ng pagkadismaya. Naglabas din ng pahayag ang National Council on Disability Affairs (NCDA) at nakipag-ugnayan sa Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) at production team ng Pinoy Big Brother (PBB) para pag-usapan ang insidente.
Nag-alok din ang NCDA ng disability sensitivity training para sa production crew at mga artista ng programa.
Samantala, dumepensa naman ang management ni Mikee na GMA Sparkle Artist Center. Nagbabala silang hindi kukunsintihin ang umano’y malisyoso at mapanirang pag-atake sa aktres at pinag-aaralan na ang mga posts at accounts na sangkot dito.





Comments