top of page
BIDA - JANELLA KAY KLEA I LOVE YOU SO MUCH, MY BABY, MY LOVE, MY SWEET BABY BOO!-IG _kleap

Potaheng umani ng “royal status” ni Chef Boy Logro, ibinunyag na

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jul 17, 2021
  • 3 min read

ni Fely Ng - @Bulgarific | July 17, 2021




Hello, Bulgarians! Alam n’yo ba? Isa si Boy Logro sa mga pinaka-kilalang Pinoy chef hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa iba pang parte ng mundo. Mula sa pagiging kusinero sa restoran, naging personal chef ng hari si Logro nang maghanda ito ng potaheng umani ng kanyang “royal status” — ang Avocats aux Crevettes. Sa unang pagkakataon, itinampok ni Logro and kaniyang world-class recipe sa online cooking show na Solane Kitchen Moments.


Tubong Leyte na elementarya lamang ang natapos, maagang nagsimulang magtrabaho si Logro. Sa edad na 13, naranasan niyang maging houseboy na naglilinis ng bahay at naghuhugas ng pinggan. Nakipagsapalaran din siya sa Kamaynilaan kahit noo’y hindi pa siya marunong mag-Tagalog.


Sa kabila nito, natanggap siya bilang dishwasher, at tuluyang nakapasok sa industriya kung saan siya nakasalamuha ng mga mahuhusay na chef at natutong magluto. At dahil na rin sa sipag at sigasig ni Logro, kinuha siyang protégé ng executive chef, hanggang sa makapagtrabaho sya sa Oman bilang chef.


“It was like a dream (Parang isang panaginip),” pag-alala ni Logro nang mag-guest sa Solane Kitchen Moments. Inilahad niyang malaking parte ng kanyang tagumpay ang suporta ng kanyang mga kaibigan. “Palagi akong positive. Hindi ako sumusuko. ‘Pag sinabihan ako, natsa-challenge ako, so, nagagawa ko.”


Pagdating sa Oman, nakapasok siya sa palasyo para magtrabaho bilang sous chef na naatasang maghanda ng menu para sa dating Sultan Qaboos bin Said al-Said. Inamin ni Logro sa Solane Kitchen Moments episode na noong una’y ikinagulat niya ang ibinigay na responsibilidad bilang sous chef dahil akala niya ay sa catering department lamang siya magtatrabaho. Kinailangan niyang magpursigi at aralin ang iba’t ibang recipes para sa sultan, hanggang sa natutuhan niya ang Avocats aux Crevettes na kilalang French hors d’oeuvre na naglalaman ng avocado at hipon. Gumawa siya ng sariling bersiyon ng recipeng ito, at iyon ang inihain niya sa Sultan na naging dahilan para hirangin siyang sous chef nito.


“Ipinatawag ako. Iniisip ko uuwi na ako kasi wala naman talaga, eh, — mahirap [ako], walang pinag-aralan,” pahayag niya. Pero binigyan siya ng Sulatan ng pagkakataon, ‘Effective today, you have to prepare this every day for as long as you’re in the palace’ (Sabi niya, “Mula ngayon, araw-araw mo itong ihahanda sa akin habang ikaw ay nasa palasyo”).”


At mula noo’y naging personal na chef si Logro ng Sultan. Kasama siya sa mga importanteng biyahe nito at nabigyan pa ng oportunidad makapagluto para sa mga kilalang personalidad tulad nina Queen Elizabeth, Princess Diana of Wales, George Bush Sr. at dating Pangulong Fidel Ramos.


“Doon ko naisip na puwede palang ganun, ‘no? Elementary graduate ka pero okay pa rin — walang discrimination,” masayang pahayag ni Logro. “Sabi nga nila kapag may tiyaga ka sa ginagawa mo, may nilaga.”


Ang bersiyon ni Logro ng Avocats aux Crevettes ay appetizer na binubuo ng avocado, hipon, at iba’t ibang klase ng keso, kabilang ang iba pang sangkap na karaniwang ginagamit sa kusina.


Ipinamalas din ni Logro sa Solane Kitchen Moments ang ilan sa mga tip niya para i-serve ang potaheng pang-“royalty”. Ayon sa host na si Suzi Entrata-Abrera ay talaga namang nabigyan pa ng Chef ng “fresh, clean taste at creamy texture” na pasok sa panlasa ng hari, at tiyak na swak din sa panlasa ng mga manonood.


Panoorin ang buong episode ng pag-recreate ni Chef Boy Logro sa kanyang dish sa Solane Kitchen Moments.

Para sa anumang impormasyon, opinyon, isyu o maging imbitasyon, mag-e-mail sa bulgarific@gmail.com o sumulat kay Ms. Bulgarific at ipadala sa Bulgar Bldg., 538 Quezon Avenue, Quezon City.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page