- BULGAR
Postpone pa more halalang pambarangay sina Romualdez, Chiz at Goma
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | July 24, 2022
NAGPAKAHIRAP SA VOTERS REGISTRATION ANG MAMAMAYAN PARA MAKABOTO SA BGY. & SK ELECTION, TAPOS IPO-POSTPONE LANG NINA ROMUALDEZ, CHIZ AT GOMA?—Napanood natin sa telebisyon at maging sa mga video sa social media ang mahabang pila at siksikan ng mga kababayan natin sa voters registration sa iba’t ibang lugar sa bansa at sa mga interview ay sinabi nilang kaya sila nagtitiyagang pumila at makipagsiksikan sa mga tanggapan ng Comelec ay para makaboto sa barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections sa Dec. 5, 2022, dahil nais nilang matanggal sa puwesto ang mga kapitan at kagawad ng barangay na nagpabaya at nangurakot noong pandemic lockdown.
Pero ang masaklap, ang kagustuhan ng ating mga kababayan na matanggal na ang mga pabaya at kurakot na mga kapitan at kagawad sa kanilang barangay ay tila malabo na mangyari kasi ang gusto nina incoming Speaker Martin Romualdez, Sen. Chiz Escudero at Leyte Rep. Richard Gomez ay i-postpone ang halalang pambarangay.
◘◘◘
DAPAT ALAM NI SEN. ROBIN KUNG BAKIT SIYA NASA SENADO—Hindi suportado ni Sen. Robin Padilla ang mungkahi ni IBON Foundation Executive Director, economist Sonny Africa na patawan ng wealth tax ang libu-libong bilyonaryo sa Pilipinas para makalikom ng dagdag-budget pambayad sa mahigit P13 trilyong utang-panlabas ng bansa, dahil ayon sa actor-turned politician ay may financial lawyer at adviser ang mga super-rich at tiyak na ang tax ay ipapasa sa mahihirap.
Para sa dagdag-kaalaman ni Robin, kaya sila nasa Senado ay para gumawa ng batas, na halimbawa ang pagpapataw ng wealth tax sa mga rich at ang nakapaloob sa batas na gagawin nila ay dapat hindi tatamaan ang mahihirap, hindi dapat ipasa ng mga rich sa mga poor ang buwis, tulad ng pagtataas ng presyo ng kanilang mga produkto, na ang sinumang lalabag at may kaparusahang multa at pagkabilanggo.
Ganyan lang kasimple ‘yan para maprotektahan ang mga poor, hindi pa naisip ni Robin.
◘◘◘
KUNG SI SEN. ROBIN HINDI SUPORTADO ANG WEALTH TAX, SUPORTADO NAMAN ITO NI SEN. WIN—Kung si Sen. Robin ay hindi suportado ang wealth tax, suportado naman ni Sen. Sherwin Gatchalian ang panukalang dagdagan ng buwis ang mga bilyonaryo.
Sabi ni Sen. Win, kapuna-puna na kapag naglabas ang Bureau of Internal Revenue (BIR) ng listahan ng mga top tax payers sa bansa, hindi kasama ang mga bilyonaryo sa ‘Pinas, kaya’t panahon na, ayon sa senador na dagdagan ng buwis ang mga rich.
◘◘◘
DAPAT ISAMA SA PAPATAWAN NG PARUSANG KAMATAYAN ANG MGA PLUNDERER—Sa administrasyon ni P-BBM ay muling bubuhayin ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa ang panukalang parusang kamatayan sa mga drug trafficker.
Pambihira, bakit ang mga drug trafficker lang? Sana, isama ang mga plunderer kasi ang daming mandarambong na pulitiko at gov’t., officials na nagpapakasasa sa kaban ng bayan.