Post sa Instagram, binura na lang… B-DAY GREETINGS NI DENNIS, DINEDMA LANG NI CLAUDIA
- BULGAR

- Jul 29, 2025
- 3 min read
ni Nitz Miralles @Bida | July 29, 2025
Image: Claudia Barretto at Dennis Padilla - IG
Kaya pala hindi na namin nakita, dinelete agad ni Dennis Padilla ang birthday greetings niya sa anak na si Claudia Barretto sa Instagram. Wala na sa Instagram ang pagbati niya sa anak na “Happiii bday Claui.. God bless you more.”
Sa comments section, pansin na tila marami ang nega pa rin ang tingin kay Dennis. Hindi raw nito napanindigan ang sinabi na hindi na siya magri-reach out sa mga anak pagkatapos ng kontrobersiya sa kasal ni Claudia.
Pero, nanaig ang pagiging ama ni Dennis at binati ang anak, bagay na ikina-trigger ng mga netizens na galit sa kanya.
Sabi ng isang netizen, baka hindi pinansin ni Claudia ang birthday greetings ng ama, kaya dinelete na lang. May nag-comment pa nga na parang hindi na maayos ang relasyon ni Dennis sa mga anak nila ni Marjorie kaya panindigan na lang niya na ‘wag nang subukan pang mag-reach out sa mga ito.
Ang nakakalungkot dito, okay ang relasyon ng mga anak ni Dennis kay Marjorie at mga anak niya sa huling nakarelasyon. Okay din sina Marjorie at ang ex ni Dennis. Pero siya, hindi okay sa mga ex niya at sa mga anak sa mga ito.
This Tuesday ang red carpet premiere ng Meg & Ryan, ang Pocket Media Films movie nina Rhian Ramos at JC Santos.
Malalaman na kung happy ending ang movie dahil hindi sinagot ng mga bida ang tanong sa mediacon ng movie ni Director Catherine O. Camarillo and written by Gina Marissa Tagasa.
Malalaman din kung ilan ang kissing scenes nina Rhian at JC sa movie dahil hindi rin nila sinagot ang tanong kung ilan ang kissing scenes nila. Panoorin na lang daw para malaman at ‘yun ang gagawin namin.
Based sa comments, marami ang naghihintay sa showing nito simula sa August 6, 2025. Mga comments na ikatutuwa ng cast, ni Direk Catherine at lahat ng involved sa movie.
Sample ng comment ng mga netizens ay… “Manonood ako,” “Ang ganda ng direction-trailer pa lang, solid na ang pagkakagawa,” “This looks soo freaking amazing!!!,” “The trailer alone already tells a story. That’s how you build anticipation,” at “The cast, the tone, the soundtrack — everything just fits.”
At ang pinakapanalo na comment ay “OMGGGG Rhian with JC?!?!?! The pair I did not expect but I’m excited.”
Dagdag na ikinaganda ng movie ay ang theme song na Torete na kinanta ng Better Days. Ang ganda ng areglo, bagay sa pagkatorete ni Ryan (JC) upon meeting Meg (Rhian) and falling in love with her.
Sa mga naglu-look forward na kikiligin sila kapag pinanood ang movie, sigurado ito dahil sa sinabi ni Rhian na “Habang ginagawa ang scenes namin ni JC, kinikilig ako. Kinikilig din ako just listening to direk.”
So, alam n’yo nang nakakakilig ang Meg & Ryan, kaya panoorin.
PINADALHAN kami ni Roderick Paulate ng paunang teaser ng movie niyang Mudrasta, Ang Beking Ina na showing sa August. Wala munang eksaktong date, basta sa August na.
Maganda ang ginawa ng Creazion Studios at director ng nasabing pelikula na isama sa teaser ang past comedy hits movie ni Roderick para ipaalala sa mga fans ang mga nagawa niya.
Lahat ng pelikula sa teaser, naging box-office hit at nagmarka sa mga moviegoers.
Kaya mababasa sa mga comments… “He’s back,” at “The Pinoy Comedy Icon is back on the big screen.”
May mga nagsabi nang they can’t wait to see the film at si Roderick dahil nami-miss nila ang estilo nito sa pagpapatawa.
May mga nagre-request na nga na sana ay ma-invite sila sa premiere night para isa sila sa mga unang makakapanood ng movie.
Kasama ni Roderick sa movie sina Carmi Martin, Tonton Gutierrez, Elmo Magalona, Arkin, Ruby Ruiz, Joel Saracho at Ms. Celia Rodriguez. Si Julius Ruslin Alfonso ang director ng Mudrasta na magpapatawa sa mga moviegoers.
RATED R-13 ng MTRCB ang horror movie ni Barbie Forteza at ng child actor na si Euwenn Mikaell. Pero dahil 12 years old pa lang ang child actor, hindi na naman niya mapapanood ang pelikula na kasama siya.
Nangyari na ito sa Green Bones, hanggang presscon lang ang bagets, hindi siya pinayagang mapanood ang movie sa premiere night at sa regular screening. Baka sa Netflix, napanood niya.
Anyway, maganda at malaki ang role ni Euwenn sa P77 bilang kapatid ni Barbie. Makikibalita na lang siguro siya sa makakapanood ng movie kung kumusta ang acting niya.
Sa July 30 ang simula ng showing ng movie directed by Derick Cabrido.










Comments