Post Office, pinabilis ang delivery ng sulat at parsela
ni Fely Ng - @Bulgarific | July 20, 2021

Hello, Bulgarians! Isang positibong hakbang ang pagtanggal ng Post Office sa 75-taong nakasanayang “Notification Cards” upang maging mas mabilis, ligtas at maginhawa na matatanggap ng publiko ang mga sulat at parsela sa pamamagitan ng “door to door delivery” na serbisyo.
Ayon kay Postmaster General Norman Fulgencio, minabuting tanggalin ang ganitong gawain upang hindi na ito maging sanhi ng pagkaantala o delay ng serbisyo na minsan ay inaabot ng dalawa hanggang tatlong buwan bago makarating sa pinadadalhan.
Dagdag pa nito, dahil mabilis at maginhawang serbisyo, makatutulong ito nang malaki sa ating mga kababayang overseas Filipino workers (OFWs) na nagpapadala ng kanilang mga sulat at pakete sa Post Office, na siyang may pinakamalawak na sangay sa mundo.
Ang pag-alis ng “Notification Cards” ay isa lamang sa inisyatibo ng Post Office sa ilalim ng programa nitong “Hatid Malasakit” upang maipakita at maipadama sa publiko ang adhikain ng kanilang tanggapan na tumulong sa kapwa sa pamamagitan ng pagbibigay ng maayos na serbisyo sa mamamayan.
Ang programang “Hatid Malasakit” ng Post Office ay alinsunod sa “Philippine Development Plan” na ipinatutupad ni Pangulong Rodrigo Duterte upang masigurong matatanggap ng mamamayan ang kalidad at karapat-dapat na serbisyo mula sa pamahalaan.
“Taos puso kaming humihingi ng pang-unawa at pasensiya sa publiko. Hindi kami perpekto, subalit patuloy ang aming pagsusumikap na mapabuti ang aming serbisyo. Muli, humihingi kami ng tawad”, sabi ni Postmaster General Norman Fulgencio.
Para sa anumang impormasyon, opinyon, isyu o maging imbitasyon, mag-e-mail sa bulgarific@gmail.com o sumulat kay Ms. Bulgarific at ipadala sa Bulgar Bldg., 538 Quezon Avenue, Quezon City.





Comments