Pork barrel politicians at mga trapo, pakuya-kuyakoy lang habang maraming naghihikahos
ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | March 20, 2022
HABANG MARAMING NAGHIHIKAHOS, PAKUYA-KUYAKOY LANG ANG MGA PORK BARREL POLITICIANS AT MGA TRAPONG MAY DYNASTY – Habang naghihikahos na naman ang mamamayan dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis, bilihin at bayarin, ay pakuya-kuyakoy lang ang mga pork barrel politicians at mga traditional politicians (trapo) na may political dynasty.
Sa totoo lang, 'yang pork barrel ng mga pulitiko at dynasty ng mga trapo ang sanhi ng kahirapang dinaranas ng masa.
Kaya't panawagan natin sa masa, kung sino sa mga tumatakbo sa pagka-presidente ang sa tingin nila ay tatapos sa pamamayagpag ng mga pork barrel politicians at dynasty, ay 'yun ang iluklok nila sa Malacañang upang matapos na ang kanilang (pork barrel politicians at dynasty) happy days, boom!
◘◘◘
LABANAN SA PAGKA-PRESIDENTE, KINA BBM AT VP LENI NA LANG? – Sa pag-arangkada ng kampanyahan sa pagka-presidente ay nanguna agad sa rating ng mga survey firms si former Sen. Bongbong Marcos, pero sa kalagitnaan ng kampanya ay nagpakita ng suporta ang maraming kakampink sa kandidatura ni Vice Pres. Leni Robredo, at habang nasa momentum si VP Leni ng pagpapakita ng lakas ng kanyang kampanya ay naglabas uli ng rating ang mga survey firms na top pa rin daw sa kanilang survey si BBM (Bongbong Marcos).
Next month, kung ganyan pa rin ang makikita ng publiko na laging top sa survey si BBM at dami ng kakampink na nagpapakita ng suporta kay VP Leni, ay huwag nang umasa ang ibang presidentiables na magiging presidente sila, na ang ibig sabihin natin, na ang labanan sa pagka-presidente ay kina VP Leni at BBM na lang, period!
◘◘◘
PA-BANDERANG KAPOS NA KAMPANYA NINA YORME AT PACMAN – Matapos sabihin ni presidential candidate, Mayor Isko Moreno na kinakapos na ang pondo sa kanyang kampanya, ay umamin na rin si presidential candidate Sen. Manny Pacquiao na paubos na rin ang inilaan niyang pondo sa kanyang kampanya.
Sa tema ng salitang ito nina Yorme at Pacman, ay tila pa-banderang kapos na ang kanilang kampanya, boom!
◘◘◘
VP LENI AT BBM HINDI KAKAPUSIN NG PONDO SA KAMPANYA – Sa parte nina VP Leni at BBM, hindi sila kakapusin ng pondo sa kampanya dahil kapwa sila maraming tagasuporta.
Sa kampanya ni VP Leni, mga ordinary citizens ang gumagastos sa kanyang kampanya na kung tagurian nila ay "People's Rally" at sa parte naman ni BBM, bukod sa may sarili siyang inilaang pondo sa kanyang kampanya, ay marami pang mga pulitiko ang nakasuporta sa kanya na gumagastos sa isinasagawa niyang mga grand rally.
‘Ika nga, kung anong meron (tagasuporta) sina VP Leni at BBM, 'yan ang wala kina Yorme at Pacman kaya nasasabi nilang kinakapos na sila ng pondo sa kampanya, period!





Comments