Poole ng Warriors, Booker ng Suns at Demar ng Bulls, bida
ni Anthony E. Servinio - @Sports | February 03, 2022

Pinatunayan muli ng Phoenix Suns bakit sila ang numero unong koponan sa NBA ngayon at nilampasan ang hamon ng bisitang Brooklyn Nets, 121-111, kahapon sa Footprint Center at pahabain sa 11 ang sunod-sunod na panalo. Sa Eastern Conference, patuloy pa rin ang kapit sa liderato ng Chicago Bulls matapos manaig sa kulelat na Orlando Magic, 126-115.
Patuloy pa rin ang mahusay na shooting ni Devin Booker at bumuhos ng 35 puntos para umangat ang Phoenix sa 41-9. Sinuportahan siya nina Mikal Bridges na may 27 puntos at Chris Paul na may 20 puntos.
Pinagpag ng Bulls ang mabagal na simula para sa ika-32 panalo sa 50 laro. Humugot muli ng lakas ang Chicago kay All-Star DeMar DeRozan na nagsabog ng 29 puntos at Zach LaVine na may 26 puntos.
Kahit wala sina Stephen Curry, Klay Thompson at Andrew Wiggins, ipinakita ng bisitang Warriors ang iba nilang sandata at binigo ang San Antonio Spurs, 124-120. Habang wala ang mga bituin ay pagkakataon para sumikat ni Jordan Poole sa 31 puntos at sinundan nina Damion na may 21 at Moses Moody na may 20.
Sa ibang laro, triple double si Giannis Antetokounmpo na 33 puntos, 15 rebound at 11 assist upang buhatin ang Milwaukee Bucks kontra sa Washington Wizards, 112-98.
Matapos ang laro noong isang araw na umabot ng tatlong overtime, umulit ang Toronto Raptors sa Miami Heat, 110-106, sa likod ng 33 puntos ni Gary Trent Jr.
Samantala, magiging abala si kabayan Jalen Green pagsapit ng 2020 All-Star Game.
Kasama ang Houston Rockets rookie sa g 28 kabataang manlalaro sa Clorox Rising Stars at kalahok din siya sa inaabangang Slam Dunk Contest.
Ang Rising Stars ay hahatiin sa apat na koponan at maglalaban sa isang mini-tournament.
Hindi idedepensa ni Anfernee Simons ng Portland Trail Blazers ang korona sa dunk kaya bukas na ang pinto para kay Green na sumunod sa kanyang yapak.





Comments