top of page

Political dynasty, dapat na bang ipagbawal?

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 7 days ago
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | July 4, 2025



Boses by Ryan Sison

May panukalang batas na namang nagsusulong ng pagbabawal sa mga political dynasty sa ating bansa, pero this time maipapasa na kaya? 


Ito ang inihain nina ACT Teachers Partylist Rep. Antonio Tinio at Kabataan Partylist Rep. Raoul Manuel, ang House Bill 209 na layong tukuyin at ipagbawal ang political dynasty — pamilya o angkan (“concentrates, consolidates, or perpetuates their political power”) na sabay o sunud-sunod na humahawak ng puwesto sa gobyerno, sa lokal man o pambansa. 


Ayon sa panukala, hindi maaaring tumakbo o humawak ng posisyon ang mga magkamag-anak nang sabay-sabay hanggang ikaapat na antas ng kadugo o kalahi, lehitimo man o hindi, full o half blood. 


Dagdag pa rito, walang sinuman sa loob ng ipinagbabawal na civil degree of relationship sa isang incumbent na nahalal na opisyal ang agad na magsa-succeed o sumunod sa posisyon ng huli.


Kasama rin sa panukala ang pagsumite ng sinumpaang salaysay sa Commission on Elections (Comelec) bilang patunay na hindi sakop ng prohibition ang kandidatong tatakbo. 


Ang sinumang lumabag dito ay maaaring i-disqualify at hindi bilangin ang boto, anuman ang resulta ng halalan. Gayundin, ang violator ay hindi ipoproklama at hindi papayagang maupo sa puwesto.


Gayunpaman, isang mambabatas ang tila tutol dito at nagsabing hindi ang political dynasty ang problema kundi ang kakulangan sa pulitikal na partisipasyon ng mga Pilipino. Aniya, hindi dapat pagbawalan kundi hikayatin ang mas marami pang mamamayan na lumahok sa pulitika. Hindi rin umano makatarungang anitong

hadlangan ang isang indibidwal na tumakbo dahil lamang sa apelyido nito.


Totoong may karapatan ang kahit sinong Pilipino na tumakbo at manungkulan sa gobyerno. Pero kung ang mga lider na nakaupo ay walang ginagawa at pagmamalasakit sa kanyang nasasakupan, patuloy ang mabibigat na pasanin ng taumbayan. 


Sa bansang gutom sa pantay na pagkilala at tamang pagsisilbi sa mamamayan at sa bayan, ito ay napakahalaga. Panahon na rin siguro para pag-usapan kung dapat nang ipagbawal ang political dynasty. Nakakatulong ba talaga ang magkakamag-anak na nasa posisyon o lalo lang nagpapahirap sa marami?      


Marahil, kahit isa lamang sa pamilya ang nasa posisyon basta’t tapat at handang paglingkuran ang kanyang mga kababayan, magiging mas maayos ang sistema at pamamahala sa ating bansa.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comentarios


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page