Police scalawags, pakalat-kalat

@Editorial | June 6, 2024

Sa rami ng matitinong pulis, sadyang may mga nahahalong pasaway at kahihiyan sa kanilang hanay.
Tulad ng tatlong pulis na nahaharap ngayon sa balag ng alanganin matapos arestuhin dahil sa umano’y kidnap for ransom sa dalawang Chinese national. Kabilang umano sa mga dinakip ay isang traffic police mula Makati at dalawa naman ang nakatalaga sa National Capital Region Police Office (NCRPO).
Base sa nakalap na impormasyon, modus ng mga suspek na ang traffic police ang sisita sa sasakyan dahil umano sa traffic violation at isasabay ang pagdukot habang nakaabang ang dalawa pang kasabwat na suspek sa van kung saan isasakay ang biktima.
Nabuking ang ilegal ng gawain ng mga suspek nang makatakas ang dalawang biktima at makapagsumbong sa pulisya.
Grabe, ang mga inaasahan nating tagapagpatupad ng batas, sila pa ang sumusuway at nagdudulot ng problema sa lipunan.
Nakapanlulumo dahil tila pakalat-kalat lang ang mga police scalawags. Kung hindi sangkot sa ilegal na droga, sa ganito namang kalakaran napapasok.
Hamon sa pamunuan ng Philippine National Police (PNP) na tiyaking walang bulok sa kapulisan. Kapag may nahuli, sampulan, patawan ng mas mabigat na parusa.
Kailangang mas paigtingin ang ginagawang internal cleansing campaign at tugisin maging ang mga pader o kanilang posibleng ‘boss’ sa paggawa ng katiwalian. Hindi naman maitatanggi ang katotohanan na ang iba sa kanila ay hindi makakagawa ng kalokohan kung walang nag-uutos na mas mataas.
Samantala, sa ating mga kapulisan na nananatiling tapat at buwis-buhay, taos-puso ang pasasalamat ng taumbayan at laging saludo sa inyong pagseserbisyo. Kailanman ay hindi matitinag ng mga kriminal na pulis ang inyong kabayanihan.



Comments