Podiumers sa 42, 32 AT 21K, libre sa Bangkok Marathon
ni Anthony E. Servinio - @Sports | September 10, 2022

Naglabas na ng huling panawagan para sa lahat ng mga gustong lumahok sa Run 7-Eleven 2022 at may hanggang Setyembre 13 na lang upang magpalista. Magbabalik ang isa sa pinaka-inaabangan na karera simula sa 10:00 ng gabi ng Setyembre 24 hanggang umaga ng Setyembre 25 na sabay-sabay tutulak sa Filinvest City ng Muntinlupa, Cebu IT Park at SM City Davao.
Makakapili ang mga mananakbo sa kategoryang 42, 32, 21, 16, 10, lima o tatlong kilometro o may kasama para sa Buddy Run na 10 at 5 kilometro. Maliban sa mga gantimpalang salaping P593,000 at regalo mula sa mga sponsor na naghihintay sa mga magwawagi, ang mga mabibilis sa 42, 32 at 21 ay ipadadala sa Bangkok Marathon sa Nob. 20, 2022.
Nilinaw ng pamunuan ng karera na diskwalipikado para pumunta sa Bangkok ang mga kasalukuyang kasapi ng pambansang koponan at nais nilang bigyan ng pagkakataon ang mga bagong sibol na mananakbo. Subalit asahan pa rin ang mahigpit na takbuhan dahil may ilang mga national athlete ang nagpalista pati na rin ang mga Philippine Masters na mga alamat sa larangan ng takbuhan.
Maaaring bumisita sa run711.com upang magpalista at malaman ang mga naghihintay na promo at diskwento. Ito na ang ika-10 taon ng karera matapos ang unang edisyon, ang Run 800 na ginanap noong 2013 sa ASEANA City bilang selebrasyon ng pagbukas ng ika-800 sangay ng tindahan.
Sinundan ito ng Run 1000, 1500 at 2000 sa mga sumunod na taon. Noong 2018 ang pagkakataon na isinabay ang karera sa tatlong malalaking lungsod.
Bunga ng pandemya, hindi natuloy ang patakbo noong 2020 at 2021. Imbes na magpatakbo, nag-donate ang 7-Eleven sa mga lokal na pamahalaan noong 2020 habang naging isang virtual run ang 2021.





Comments