PNP, todo-babala laban sa crypto investment scam
@Editorial | November 28, 2022
Maraming Pinoy ang hindi lang matalino kundi likas din na madiskarte. Lahat ng puwedeng mapagkakitaan ay sinusubukan.
Karamihan sa mga ito ay online, kung saan marami ang naeenganyo dahil easy access na, easy money pa.
Pero tandaan, walang easy money dahil ang pera nakuha kuno sa madaling paraan, madalas ay scam.
Kaugnay nito ay nagbabala ang Philippine National Police (PNP) sa publiko kaugnay sa mga naglipanang crypto investment scam.
Kasunod ito sa pag-release ng government and private companies ang bonuses at 13th month pay ng mga empleyado.
At dahil busy ang mga tao sa paparating na Pasko, busy din ang mga kawatan na makapambiktima.
Kaya't mag-ingat sa mga indibidwal at maging sa ilang grupo na todo-diskarte para akitin ang mga tao na mag-invest ng pera sa mga pekeng crypto investments.
Kabilang ang paghikayat sa potential investor na i-download ang Crypto App at kapag installed na nire-require na cash in ang kanilang investments sa pamamagitan ng digital wallets na nakalista sa application.
Dagdag pa rito, upang mas kapani-paniwala'y gumagamit ang mga scammer ng pekeng DTI permits at SEC certificates.
Sa talino ng mga kawatan, pahirapan ang pag-alam sa legit at pekeng investment kaya kung hindi marunong o maalam sa ganitong kalakaran ay mas mabuti pang sa iba na lang ilaan ang perang inyong pinaghirapan, maging mas matalino sa panahon ngayon kung saan kaliwa't kanan ang mga nangyayaring scam.



Comments