PNP sa publiko: Hinay-hinay sa pagpo-post sa socmed!
ni Ryan Sison - @Boses | September 10, 2022
Mag-ingat sa pagpo-post sa social media.
Ito ang paulit-ulit na pakiusap ng Philippine National Police (PNP) sa publiko matapos ang pagkalat ng iba’t ibang post hinggil sa kidnapping.
Base sa imbestigasyon ng PNP Anti-Cybercrime Group, ang kaliwa’t kanang pagsulpot ng mga kidnapping video sa social media ay pawang recycled na fake news o scripted lamang. Kabilang na ang diumano’y pagdukot sa isang teenager at dalagita sa Bulacan at Caloocan.
Kasabay nito, binigyang-diin ng PNP na nakasaad sa Article 154 ng Revised Penal Code ng Republic Act 10951, na itinuturing na krimen ang pagpapakalat ng fake news na makakasama sa public order o makakasira sa interes ng bansa. Sa ilalim ng batas, mahaharap sa isa hanggang anim na buwang pagkakakulong at P40,000 hanggang P200,000 multa ang sinumang lalabag.
Samantala, ayon sa datos ng PNP Anti-Kidnapping Group, 25 kidnapping incidents ang naiulat mula Enero hanggang Hulyo ngayong taon, kung saan kalahati na ng naturang bilang ang naresolba.
Natural na makaramdam tayo ng takot kapag may nakita tayong post o mismong video ng pagdukot. Kaya para magbigay-babala sa iba, tila awtomatiko nating ibinabahagi ang post sa ating account kahit pa hindi natin tiyak kung tunay ang insidente.
At kapag walang katotohanan ang naibahagi nating post, ang ending, tayo ang pinanggalingan ng fake news. Ang masaklap, nagdudulot ng takot sa mamamayan ang isang walang katotohanang post.
Bagama’t hindi natin intensyon na magdulot ng takot o magpakalat ng fake news, mabuti nang maging maingat tayo sa mga ipino-post sa social media. Hangga’t maaari, mag-fact check o iberipika kung tunay ang insidente.
Gayundin, hindi natin nilalahat, pero may ilang sinasadya ang pagpapakalat ng pekeng impormasyon, at sila ang mga dapat managot. Masyado nang maraming problema ang bansa, utang na loob, ‘wag na kayong dumagdag.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments