PNP, dedma sa ‘revolutionary government’ ng mga taga-suporta ni P-Digong
- BULGAR

- Aug 25, 2020
- 2 min read
ni Korina Sanchez - @Isyung 'K' | August 25, 2020
Ano itong ‘revolutionary government’ na nais isulong ng mga taga-suporta ni Pangulong Rodrigo Duterte? Nasa 300 taga-suporta ni P-Duterte ang nagkumpulan sa Clark Freeport at plano pang magmartsa patungong Malacañang para makakuha ng suporta sa nasabing ‘rebolusyon’.
May online supporters din umano ang nasabing grupo. Sinulatan din nila si PNP chief Gen. Archie Gamboa, para dumalo sa kanilang pagtitipon at siguro para makuha ang suporta ng Philippine National Police (PNP). Pero may punto ang pahayag ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson, na huwag nang patulan ang pagkilos na ito.
Labag sa Konstitusyon ang pagtaguyod ng ‘revolutionary government’ dahil may mga halal na pinuno ang bansa. Nakatalaga rin sa Konstitusyon ang succession o kung sinu-sino ang legal na susunod na mamumuno sa bansa kung sakaling may mangyari sa pangulo.
Kaya ang tanong natin, may alam ba ang mga taga-suporta ng Pangulo na ngayon pa lang ay may kilos na para sa ‘revolutionary government’?
At kung labag sa Konstitusyon ang pagtaguyod nito, bakit hindi hinuhuli ng mga awtoridad ang nasabing grupo? Dahil ba taga-suporta ang mga ito ni P-Duterte? Panigurado, kung mga taga-suporta ng oposisyon ang mga ‘yan, mabilis pa sa alas-kuwatro ang paghuli o pagpapakulong sa kanila. Hindi ba saklaw ng Anti-Terrorism Act ang kanilang ginawa?
Hindi dumalo si Gen. Gamboa sa sinabing pagtitipon sa Clark. Sa tingin natin ay hindi talaga dapat sinusuportahan ang ganyang bagay. Ganun din dapat sa Armed Forces of the Philippines (AFP), kahit alam nating hawak ni P-Duterte ang pulis at militar.
May mga legal na kilos na nakasaad sa Konstitusyon hinggil sa succession. Mukhang ngayon pa lang ay may kilos na para hindi magkaraoon ng halalan sa 2022.
Samantala, wala pang pahayag mula sa Palasyo hinggil dito. Ano kaya ang ibig sabihin niyan?





Comments