top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

PNP, dapat kumilos sa pagtaas ng karahasang wala man lang ‘lead’ kung sino ang salarin

Writer: BULGAR
BULGAR
Jan 12, 2022
4 min read

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | January 12, 2022



Bago man nagsimula ang pagsusumite ng kandidatura ng mga nais tumakbo sa iba’t ibang posisyon ay naging mainit na agad ang pulitika sa bansa at noong papatapos na ang nakaraang taon ay nagsimula na agad ang napakaraming karahasan habang papalapit ang darating na halalan sa Mayo 9, 2022.


Isa sa mga unang nasawi ay si Roland Sherwin Uy, 45, at ang kanyang tauhan na si Samuel Tablan, 75, ng Cagayan de Oro City na kapwa pinagbabaril na umano’y kauna-unahang kasong naitala na ngayong papalapit na ang eleksiyon.


Nabatid na si Sherwin ay anak ni Congressman Roland Uy na ngayon ay tumatakbong mayor ng Cagayan de Oro City na may matindi umanong hidwaan sa kanyang mga kalaban sa pulitika at hindi pa rin natutukoy ang tumakas na salarin lulan ng motorsiklo.


Ilang araw lamang ang nakararaan ay pinagbabaril naman ang dalawang miyembro ng Lakas-Christian Muslim Democrats sa lalawigan ng Basilan na ikinasawi ni Al Barka Mayor Darussalam Saquindilan Lajid at ang driver nitong si Barad Nuruddin.


Sugatan naman si Akbar Mayor Alih Awal Sali at kasabay nitong security escort na hindi pa nakikilala na kapwa isinugod sa hindi tinukoy na pagamutan para sa kanilang kaligtasan.


Ayon sa imbestigasyon ng Zamboanga PNP, kabababa lamang umano ng mga biktima mula sa sea craft sa dalampasigan ng Barangay Baliwasan nang bigla na lamang silang paulanan ng bala ng apat na lalaki na mabilis na nagsitakas gamit ang motorized boat.


Nasawi rin si Mayor Michael Gutierrez ng Lopez Jaena, Misamis Occidental matapos barilin sa ulo sa gitna ng Christmas party sa Working Coffee Building, Sitio Pulao, Bgy. VII, Tangub ng bayang nabanggit noong Disyembre 22.


Sugatan naman sina Misamis Occidental Rep. Henry Oaminal at dating Oroquieta City Mayor Jason Almonte na noon ay nasa party din na ayon sa PNP ay sniper ang salarin. Si Gutierrez ay tumatakbong bise-gobernador at running mate ni Oaminal na tumatakbo namang gobernador ng Misamis Occidental.


Marami pa ang insidente ng karahasan na nagaganap ngayong papalapit na ang eleksiyon, ngunit medyo naalarma na tayo dahil sa maging sa Cavite ay dalawang insidente na ang naganap na karahasan nang wala man lamang ‘lead’ ang pulisya kung sino ang salarin.


Kamakailan, tinangkang iligpit ang Barangay Chairman ng Molino 3, Bacoor City na si Jun Advincula nang paulanan ng bala ang kanyang tahanan ng ilang salarin na hanggang sa kasalukuyan wala pa ring pagkakakilanlan.


Mapalad na nakaligtas si Kapitan Advincula sa kabila ng pagkasira ng ilang bahagi ng kanyang bahay dahil sa mga tama ng bala ng baril na ang tanging nakikitang motibo ay ang nalalapit na eleksiyon, kung saan ay may malaking impluwensiya ito sa mga botante.

Ilang linggo lang ang lumipas, bandang alas-8: 00 ng gabi noong nakaraang Enero 8, Sabado ay tinambangan naman ang dating ex-O ng Barangay Molino 3, ng nasabi ring siyudad habang lulan ito ng minamaneho niyang sasakyan.


Ang biktima ay nakilalang si Exquiel I. Muncal na noon ay binabaybay ang kahabaan ng Camella Central, Molino 3 ay bigla na lamang niratrat sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan na sanhi ng maaga niyang pagkamatay.


Base sa salaysay ng mga nakasaksi, ang mga salarin ay nakasuot umano ng uniporme ng kilalang motorcycle courier at armado ng armalite na mabilis nagsitakas matapos maisakatuparan ang krimen.


Tulad ng dapat asahan, wala na namang ‘lead’ ang pamunuan ng Cavite PNP (Philippine National Police) kung sino ang nasa likod ng pamamaslang sa kabila ng impormasyon na dati umanong pulis ang mismong hitman at malapit na kaanak ng aktibong opisyal ng PNP sa Cavite.


Dahil dito ay nag-anunsiyo na magbibigay ng P300,000 pabuya si Bacoor City Mayor Lani Mercado-Revilla sa sinumang makapagtuturo sa mga salarin para mapabilis lamang na maresolba ang naturang kaso.


Ilang panahon ding naging maayos ang pamunuan ng PNP sa panahon ng nagregtirong si Gen. Guillermo Eleazar, ngunit ngayon ay tila nagbabalik na naman ang ilang hoodlum na pulis na kamakailan lamang ay nasangkot sa milyong piso ng pagnanakaw o dating pulis na ngayon ay gun for hire.


Kaya tinatawagan natin ang atensiyon ng bagong PNP chief na si P/Gen. Dionardo Carlos na sana ay bigyang-pansin ang patuloy na pagtaas ng election related violence dahil kung tutuusin ay noong Enero 9 lang ang opisyal na election period pero noong nakaraang taon pa ay nag-umpisa na ang karahasan at ang masakit wala kahit isa ang naresolba.


Wala itong personalan at naiintindihan nating nasa isolation si Chief PNP Carlos dahil nag-positive siya sa COVID-19, ngunit hindi naman ito puwedeng maging dahilan para tumirik ng tuluyan ang buong organisasyon ng PNP dahil d’yan.


Bilang halal na opisyal at lehitimong taga-Cavite ay marami tayong natatanggap na sumbong kung sino ang salarin at mga tao sa likod ng magkasunod na krimen sa Bacoor City, ngunit ayaw natin panghimasukan ang trabaho ng pulisya.


Kung hindi kaya ng Cavite PNP na iresolba ang magkasunod na krimen ay humanap tayo ng may kakayahan, magkaiba kasi ‘yung hindi maresolba at ayaw resolbahin!


Anak Ng Teteng!


May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page