top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

PNP chief Azurin, nagsori kay Sen. Robin sa ‘Muslim’ comments

Writer: BULGAR
BULGAR
Oct 11, 2022
2 min read

ni Lolet Abania | October 11, 2022


Humingi ng paumanhin si Philippine National Police (PNP) chief Police General Rodolfo Azurin Jr. hinggil sa naging mga komento na “Muslim” ng mga pulis matapos ang naganap na insidente ng hostage-taking noong Linggo sa PNP Custodial Center.


Sa isang panayam ngayong Martes, in-address ni Azurin ang kanyang paumanhin kay Senator Robin Padilla na una nang nagpahayag ng pagkadismaya sa naging pagtukoy ng mga nasabing pulis sa mga hostage-takers bilang “Muslims” matapos ang insidente.


“We would like to apologize po sa ating good Senator na well-noted po ang kanyang comment as far as ‘yung nangyari po… Thank you for reminding us,” saad ni Azurin.


Sinabi naman ni Azurin na posibleng ang insidente ay maaaring dala ng tinatawag na “adrenaline rush,” na hindi maiiwasan na may pagkakataon minsan na mailalarawan ng ganoon ang mga suspek.


“Kung minsan nagreresponde ka, you either identify or describe po— sino ba ‘yung suspect? Ilocano. Sino ‘yung ano? Bicolano — para malaman po agad ng mga kapulisan kung sino po ba ‘yung hinahanap natin, that sometimes those are part of the descriptions we attribute po sa criminals, suspects na hinahanap natin,” paliwanag ni Azurin.


Sa ginanap na hearing ng Senate Committee on Cultural Communities and Muslim Affairs nitong Lunes, ipinahayag ni Padilla na napansin niya sa isang video na ilang mga pulis ang paulit-ulit na tinutukoy ang mga hostage-takers bilang mga Muslims.


“Sa tuwing may kidnapper, o holdaper, o pumatay ng tao, hindi naman po natin sinasabing Kristiyano ang may sala o gumawa ng krimen. Ngunit kung nagkataon na Muslim, ito po ang palagiang binibigkas hanggang sa mga ulat sa publiko,” sabi ni Padilla.


“Kung hindi po ito isang anyo ng diskriminasyon, hindi ko na po alam kung ano pa ang itatawag dito,” dagdag ng senador.


Agad na nanawagan si Padilla kay Azurin na maglunsad ng isang education program para sa mga pulis upang maiwasan nila ang pagtukoy o pagkilala sa mga suspek base sa kanilang relihiyon.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page