top of page
TALKIES - “HINDI MASAMA NA BUMILI NG MAHAL KUNG AFFORD MO” - HEART_IG _iamhearte.jpeg

Please be careful with your heart

Writer: BULGAR
BULGAR
Feb 13, 2023
3 min read

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | Pebrero 13, 2023



“I will be true to you, Just a promise from you will do, From the very start, Please be careful with my heart…”


Ito ang ilan sa linya ng awiting Please be Careful with my Heart na pinasikat ni Jose Mari Chan na ilang araw na natin naririnig na pinatutugtog, hindi lang sa mga radio station kundi sa mga mall dahil buwan ngayon ng mga puso.


Tiyak na ngayon pa lamang ay kabi-kabila na ang mga dates, lalo na bukas na mismong Araw ng mga Puso. Siguradong marami sa ating mga kababayan ang nakapaghanda na ng ireregalo sa kani-kanilang minamahal.


Hindi lang girlfriend o boyfriend ang sakop ng katagang ‘minamahal’ dahil kasama rin dito ang iba pa nating mahal tulad ng asawa, magulang at mga anak na karaniwan ay kumakain nang sabay-sabay, partikular ang mga walang karelasyon sa panahong ito ng pag-ibig.


Ayoko namang maging ‘killjoy’ sa panahong ito na karamihan ay ninanamnam ang bawat sandali ng okasyon, ngunit nais kong magsilbing Kupido para sa mga kababayan nating senior citizen, mga nagbabantay na sa kanilang kalusugan at sa mga taong masyadong conscious sa kanilang kalusugan.


May heart-friendly tips kasi ang Department of Health (DOH) na magpapaalala sa ating mga kababayan, na sa halip na kung anu-anong regalo ang bilhin ay piliin natin ang heart-healthy gift o gawing healthy lifestyle ang mga selebrasyon.


Oo nga naman, kaysa bumili ng matatamis na cake at sobrang mamantikang pagkain, mas mabuting magbigay ng mga hindi makakaing regalo, puwedeng gumawa ng tula o mensahe o kahit ano’ng puwedeng mapagpalagablab sa nararamdamang pagmamahal.


Kung nais bumili ng tsokolate, piliin ang dark chocolate na less ang sugar at caramel, dapat ay gawa sa 60 hanggang 70 porsyento ng cocoa dahil mayroon itong flavonoids at antioxidants na puwede sa ating puso at daluyan ng dugo, pero dapat ay katamtaman lamang ang pagkain nito o puwedeng nasa 30 gramo lang sa isang araw.


Maging aktibo rin sa mismong Valentine’s Day o magplano ng outing sa park o maglakad sa mall dahil ang kalahating oras na walang hinto o tuluy-tuloy na paglalakad ay napakabuti sa ating puso.


Mas mabuti ring magluto sa bahay sa halip na kumain sa mga mamahaling restoran, gawin ito nang masaya at romantiko kasabay ng pagkain ng isda at iba pang healthy food at makakaiwas pa tayo sa Monosodium glutamate (MSG), na karaniwang ginagamit sa mga restoran para sumarap ang kanilang pagkain na hindi ligtas sa kalusugan.


Kung nais pa rin magtungo sa mga restoran, tiyaking hindi n’yo uubusin ang pagkain, puwedeng hatiin sa dalawa at kalahati lamang ang kainin dahil sa paraang ito ay mababawasan ang ating calorie intake.


Magregalo ng sariwang prutas at kung nais n’yong kumain ng ‘something sweet’, maraming mabibiling prutas na tumutubo sa ating bansa, na bukod sa madaling bilhin ay ligtas pang kainin dahil walang preservatives.


Huwag manigarilyo, kung ang inyong mahal sa buhay ay naninigarilyo pa rin hanggang ngayon o hindi makaiwas na sumunod sa kaway ng uso na gumamit ng vape, hikayatin nang tumigil dahil nakakamatay ito.


Ang paninigarilyo pa rin ang nangungunang sanhi ng heart attack o stroke kahit maskulado o araw-araw nag-e-ehersisyo, kaya ang pagtigil sa paninigarilyo ang pinaka-the best Valentine’s Day gift sa iyong minamahal.


Higit sa lahat, maging tapat sa iyong minamahal, hindi ‘yung kung saan matapat ay bigla na lamang nagtatapat, bawasan ang stress at mag-enjoy lamang sa buhay dahil ang stress ay nagdudulot ng temporary heart condition.


Matatandaang kamakailan lamang ay tinalakay natin ang tungkol sa Takotsubo cardiomyopathy— ito ay isang temporary heart condition na karaniwan ay dulot ng stress. Katulad ito ng sintomas ng atake sa puso, ngunit hindi ito mula sa kahit ano’ng may kaugnayan sa cardiovascular disease.


Ang Takotsubo cardiomyopathy ay mas kilala sa tawag na stress cardiomyopathy, apical ballooning o broken heart syndrome, at karaniwan ay babae ang nagkakaroon nito.


Ang naturang kondisyon ay karaniwang agarang lumilitaw makaraang makaranas ng grabeng emotional o physical stress ang isang babae na madalas ay inaakala ng marami na isang itong heart attack.


Ngayong nabanggit na natin ang lahat ng puwede, masaya at ligtas na paraan ng pagdiriwang ng Araw ng mga Puso, tayo na ang mamili ng lifestyle na gusto natin dahil ayon sa mga eksperto, ang gawaing masaya ay nakapagpapahaba ng buhay.


Anak Ng Teteng!


May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page