top of page
INSIDER - JULIE ANNE, KUMANTA KUNG BAKIT HINIWALAYAN NG FIRST LOVE-IG _myjaps & _aldenrich

Piyansa sa kasong plunder, ibinasura... Jinggoy, kulong pa rin

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 1 day ago
  • 2 min read

ni Jeff Tumbado @News | July 29, 2026



Jinggoy Estrada sa BJMP - Circulated

Photo: File



Ibinasura ng Sandiganbayan Fifth Division ang mosyon ni Senador Jinggoy Estrada na agad na magtakda ng piyansa para sa kinahaharap nitong kasong plunder kaugnay sa umano’y kickback sa flood control projects.


Sa resolusyong inilabas noong Hulyo 24, sinabi ng anti-graft court na pinamumunuan ni Associate Justice Gener Gito na hindi pa maaaring magtakda ng halaga ng piyansa hangga't hindi natutukoy sa pamamagitan ng bail hearing kung mahina o malakas ang ebidensya ng prosekusyon laban sa senador.


Ayon sa korte, maaga pa upang pagbigyan ang kahilingan ni Estrada para sa pansamantalang kalayaan dahil hindi pa natutupad ang mga itinakdang proseso sa ilalim ng batas.


Sa ilalim ng Rules of Court, hindi awtomatikong maaaring magpiyansa ang isang akusadong nahaharap sa kasong may parusang reclusion perpetua o capital offense, kabilang ang plunder.


Maaari lamang itong payagan kung mapatutunayan sa bail hearing na hindi malakas ang ebidensya ng pagkakasala.


Sa mosyong inihain noong Hunyo 29, iginiit ni Estrada na hindi siya flight risk dahil siya ay kasalukuyang senador na ang termino ay magtatapos pa sa 2028.


Binanggit din niya ang kanyang mahabang panunungkulan sa serbisyo publiko at ang kanyang pagsunod noon sa mga pahintulot ng korte kaugnay ng kanyang mga biyahe sa ibang bansa.


Gayunman, sinabi ng Sandiganbayan na tila sinusubukan ni Estrada na laktawan ang mahalagang prosesong itinatakda ng Konstitusyon at ng batas sa pamamagitan ng paghiling na agad itakda ang halaga ng piyansa nang hindi dumaraan sa kinakailangang summary bail hearing.


Idinagdag pa ng Sandiganbayan na wala pang naihahaing petisyon para sa piyansa si Estrada na siyang magsisilbing batayan upang magsagawa ng bail hearing.


Dahil dito, wala pang naipiprisintang ebidensya ang prosekusyon at wala pang sapat na batayan ang hukuman upang masuri kung malakas o mahina ang kaso laban sa senador.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page