Pistons, Warriors at Pelicans bumida; G-League, magbubukas na

ni Anthony E. Servinio - @Sports | February 11, 2021

Talagang bilog ang bola sa 2020-2021 NBA at ginulat ng Detroit Pistons ang Brooklyn Nets, 122-111, kahapon sa Little Caesars Arena. Binuhos agad ni Jerami Grant ang 15 ng kanyang 32 puntos sa first quarter kung saan lumamang ang Pistons, 38-26, at umabot pa ito ng 20 puntos sa second quarter, 49-29.
Tumulong si Delon Wright na may 22 puntos at pinutol ang kanilang apat na sunod na talo at naramdaman ng Nets ang patuloy na pagliban ni Kevin Durant dahil sa COVID-19 protocol. Kahit nakamit ang malaking panalo, nanatili pa rin ang Pistons (6-18) sa ilalim ng Eastern Conference.
Uminit para sa 14 puntos sa unang pitong minuto ng 3rd quarter si Stephen Curry para itayo ang pinakamalaking lamang ng Golden State Warriors na 21 puntos at ito ay naging sapat para sa 114-91 na panalo. Nakabawi ang Warriors (13-12) sa kanilang 100-105 pagkabigo sa Spurs (14-11) noong isang araw sa likod ng 32 puntos ni Curry.
Winasak ng tres ni Tyler Herro ang 94-94 na tabla papasok sa huling minuto upang maging susi ng 98-96 tagumpay ng Miami Heat sa bisitang New York Knicks. Muntik na maka triple double si Jimmy Butler na may 26 puntos,
Madaling iniwanan ng New Orleans Pelicans ang Houston Rockets, 130-101, at umakyat sa 11-12 at lampasan ang Rockets na bumaba sa 11-13. Nagsumite ng malaking numero sina Brandon Ingram na may 22 puntos.
Samantala, magbubukas ngayong araw ang 2020-2021 NBA G-League sa bubble sa loob ng ESPN Wide World of Sports sa Orlando, Florida. Tatagal ng isang buwan ang torneo tampok ang 18 koponan subalit hindi muna kasama si Pinoy Kai Sotto sa bagong tatag na G-League Ignite at hahabol ang binata pagkatapos ng kanyang paglalaro para sa Gilas Pilipinas sa 2021 FIBA Asia Cup qualifiers sa Doha, Qatar mula Pebrero 18 hanggang 22.





Comments