top of page
Search
  • BULGAR

Pirma at hairstyle, dapat baguhin ng binatang Leo para gumanda ang career

ni Maestro Honorio Ong - @Kapalaran ayon sa Numero| July 29, 2021



Dear Maestro,

Bago pa magkaroon ng pandemya ay naghahanap na ako ng trabaho, pero hanggang ngayon ay hindi pa rin ako sinusuwerte na makapagtrabaho. Bagama’t nagtrabaho na ako noon, hindi ako nagtatagal dahil palagi akong nasusuot sa intriga, kaya kaysa mapaaway ay nagre-resign na lang ako.

Kaso mula nang umalis ako sa pinapasukan kong kumpanya, ang tagal na pero hindi pa rin ako sinusuwerte kaya hanggang ngayon ay istambay pa rin ako. Naisipan kong sumulat sa inyo upang malaman kung anong taon ako susuwertehin na makakahanap ng permanente at magandang trabaho na maganda o malaki ang suweldo.

Gayundin, sa edad kong 27, wala pa akong asawa, kailan ba ako makapag-aasawa? May girlfriend ako pero hindi naman seryoso ang relasyon namin at minsan lang kami magkita dahil napakalayo ng probinsiya niya sa probinsiya ko. August 2, 1993 po ang birthday ko.


Umaasa,

Mr. Leo ng Pantal, Dagupan City, Pangasinan

Dear Mr. Leo,

Alam mo kung bakit hindi ka makapasok at nagkakaroon ng pemanenteng trabaho? Dalawang bagay ang dapat mong baguhin sa iyong buhay. Una, ang iyong lagda na bukod sa nababoy ay pangit, hindi mo kasi dapat ibalikwas pakaliwa ang dulong bahagi ng “a” sa iyong pirma na lumilikha ng kinanselang anyo o binurarang lagda. Sa halip, idiretso mo ang pinakapaa ng letrang “a” sa direksiyong kanan. Sa ganyang lagda, kumbaga, wala nang bumabalik pa sa direksiyong kaliwa at malinaw na naisusulat ang mga letra at salita, magkakaroon ka ng panibagong lakas ng loob at sigasig na mag-apply nang mag-apply, hanggang sa matagpuan mo ang kumpanya na may kaugnayan sa computer o communication. Sa nasabing kumpanya ka magkakaroon ng regular at magandang trabaho.


Ang ikalawang bagay na dapat mong baguhin ay ang iyong bigote na nagiging dahilan upang mawala sa pagiging balanse ang iyong mukha. Kailangang tanggalin mo muna ang iyong bigote para mabalanse ang awra at buladas ng iyong mukha. Dagdag pa rito, bukod sa pagtanggal ng bigote, imbes na hawiin sa gitna ang buhok na nakalugay sa iyong noo, hawiin mo ito paitaas upang ganap na malantad ang kabuuang hugis ng iyong mukha.


Kapag nagawa mo ang dalawang pagbabagong nabanggit sa iyong mukha tulad pag-ahit ng bigote at suklayin pataas ang iyong buhok, sigurado na ang magaganap dahil magkakaroon ng positibong pagbabago ang iyong buhay patungo sa mas maunlad at masaganang karanasan.


Habang, ayon sa iyong Career at Love Calendar, sa susunod na taong 2022 sa edad mong 28 pataas, makatatagpo ka ng maganda at permanenteng trabaho at doon mo na rin makikilala ang babaeng nagtataglay ng zodiac sign na Aries, na magiging girlfriend mo at makakasama sa pagbuo ng maligaya at panghabambuhay na pamilya.

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page