top of page

Pinunong may liwanag at kababaang-loob ang kailangan ng bansa

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jan 28, 2023
  • 3 min read

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | January 28, 2023


Dalawang magkasunod na araw na ang tema ng mga pagbasa ay Liwanag. Noong nakaraang Miyerjykes, ika-25 ng Enero, Pista ni San Pablo Apostol, tinalakay sa unang pagbasa (Gawa 22:3-16) ang pagbabagong buhay ni San Pablo mula sa taga-usig ng mga Hudyo na nakinig at sumunod kay Kristo tungo sa tagasunod ni Kristo. Naglakbay tungong Damasco si San Pablo na Saul pa lamang ang pangalan, nang nakita niya ang nakakasilaw na liwanag. Sa sobrang tindi ng liwanag, nahulog si Saul sa sinasakyan nitong kabayo at sa kanyang pagbagsak sa lupa, mayroon siyang narinig na tinig na nagtanong, “Saul, Saul, bakit mo ako inuusig?” At sumagot ang tinig, “Ako si Jesus ng Nazareth na siyang inuusig mo.” Ngunit, hindi narinig ng mga naroon ang tinig, bagama’t nakita nila ang nakakasilaw na liwanag. Inutusan ni Jesus si Saul na pumunta sa Damasco. Pumunta nga ito at nakausap niya si Ananias, isang taong maka-Diyos na nagsabing tanggapin mo muli ang iyong paningin at nakakita muli si Saul. Nagpatuloy si Ananias, “Hinirang ka ng Diyos ng aking mga ninuno upang malaman mo ang kanyang kalooban at makita ang makatarungan at marinig ang kanyang tinig.”


Sa sumunod na araw o noong nakaraang Huwebes, narinig natin ang mga salita ni Kristo tungkol sa Liwanag:


“Dumarating ba ang ilaw para takpan ng salop o para ilagay sa ilalim ng higaan? Hindi!


Inilalagay ito sa patungan. Walang nalilihim na hindi nabubunyag at walang tinatakpan na hindi malalantad. Makinig ang may tainga!”


Mapanganib ang taglay na liwanag ni Saul. Kayang-kaya niyang mang-usig ng mga Kristiyano dahil sa liwanag na inakala niyang tama, ngunit hindi pala. Ngunit sa totoo lang, palso ang liwanag na kanyang dala. Mabigat at madilim ang liwanag na ito dahil hindi Diyos ang pinanggagalingan nito. Dahil dito, bagama’t walang sinasabi ang batas ng mga Hudyo na usigin at patayin ang mga Kristiyano, nabulag at naging panatiko si Saul. Siguradong-sigurado si Saul sa kanyang iniisip at ginagawa at walang makakapigil sa kanya. Sa puntong ito, dumating ang matinding liwanag ng Diyos na nagpabagsak at bumulag sa kanya. Kailangan ni Saul ang pagbagsak at pagkabulag na ito upang magising siya sa katotohanan na magtuturo sa kanyang magpakumbaba at maging mahinahon, at itigil ang kanyang pag-usig sa mga naniniwala sa “Daan.”


Ang ebanghelyo ng sumunod na araw ay tungkol sa dapat kalagyan o puwesto ng liwanag. Ito ang sinabi ni Hesus: “Dumating ba ang ilaw para takpan ng salop o para ilagay sa ilalim ng higaan?


Hindi! Inilalagay ito sa patungan! Walang nalilihim na hindi nabubunyag at walang tinatakpan na hindi malalantad! Makinig ang may tainga!” (Marcos 4:21-25)


Naalala ko ang nabalitang talumpati ng kasalukuyang Prime Minister ng New Zealand na si Jacinta Arden. Aniya, “I want you to know that I leave with a greater love and affection for Aotearoa New Zealand and its people than when I started. I didn’t think that was possible.”


“You won’t find me commenting on domestic politics. I’ve had my time. It’s time for the new team. I’m ready to be many things. I’m ready to be a backbench MP). I’m ready to be a sister and a mum.”


Inamin din ni Arden na napagod siya sa napakaraming problemang hinarap niya sa nakaraang anim na taon at dahil dito, ubos na ang kanyang gasolina at hindi na niya pipiliting gawin ang hindi na niya kaya.


Pinanood ko ang maikling talumpati ni Arden at humanga ako. Baliktad na baliktad sa pag-iisip ng maraming namumuno sa ating bansa. Malinaw na wala na silang kakayahang mamuno. Malinaw din na hindi maganda ang kanilang motibasyon sa pamumuno. At malinaw na sa maraming tao ang pagkatig nila sa hindi malinis at makatarungang sistema ng pulitika ng mga dinastiya at trapo.


Kakaibang liwanag ang tinaglay ni Arden sa nakaraang anim na taong panunungkulan nito. Hindi makasarili at mapangimbabaw. Puno ng pagmamahal at pagmamalasakit sa kanyang bayan at mga kababayan. Kay layo, napakalayo sa uri ng pamumuno ng marami sa ating mga pinuno.


Sa parte ni Saul, kailangan ang nakasisilaw na liwanag ng biyaya ng Diyos upang gisingin siya sa kanyang bulag na panatisismong usigin at patayin ang mga tagasunod ni Kristo. Dahil dito, nagpakababa at sumunod si Saul bilang Pablo sa mismong taong kanyang pinag-uusig at nais lipulin.


Sa parte naman ni Arden, sa halip na pilitin niyang manatili sa puwesto at pilitin ang kamag-anak, asawa, anak, kapatid o sinumang malapit sa kanya na magpatuloy sa kapangyarihan para sa kanya, pinili niyang bumaba at muling maging pangkaraniwang mamamayan. Sa kanyang kababaan, higit pa siyang naging liwanag ng kanyang bansa at mga kababayan.


Ito ang kailangan ng ating bansa at ng buong mundo… ang liwanag ng pamumunong mapagkumbaba.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page