top of page
Search

Pinsalang dulot ng bagyo, maging aral sana sa lahat

BULGAR

by Info @Editorial | September 8, 2024



Editorial

Nagdulot ng napakalaking pinsala sa sektor ng agrikultura ang nagdaang Bagyong Enteng.


Sa typhoon situation bulletin nito, sinabi ng Department of Agriculture (DA) na ang halaga ng production loss dahil kay ‘Enteng‘ ay nasa P659.01 million, katumbas ng 28,788 metric tons (MT) ng volume loss sa 22,309 ektaryang agricultural lands.


Ang bagyo ay nakaapekto sa 27,598 magsasaka sa Cagayan Valley, Central Luzon, Bicol, Western at Eastern Visayas.


Ang mga nasirang agricultural produce ay kinabibilangan ng rice, corn, high-value crops, cassava, at livestock.


Ang bigas ang nagtamo ng pinakamalaking pinsala na may value loss na P624.06 million, katumbas ng 26,736 MT ng mga pananim na nasira.


Ang trahedyang ito ay nagpapatunay sa patuloy na kahinaan ng ating sektor sa harap ng mga kalamidad, at nangangailangan ng agarang pagtugon upang mapanatili ang ating seguridad sa pagkain at kabuhayan ng mga magsasaka.


Kailangang mabigyan ng sapat na imprastruktura para sa pagtatanim, pag-aani, at imbakan.


Ang mga pananim ay karaniwang nawawasak hindi lamang dahil sa bagyo kundi dahil din sa kakulangan ng mga tamang pasilidad. Dapat maglaan ng pondo para sa mga modernong pasilidad at teknolohiya upang makatulong sa mabilis na pagbangon mula sa mga kalamidad.


Kailangan ng mga magsasaka ang makabagong sistema ng insurance na magbibigay ng proteksyon laban sa mga ganitong panganib. Ang kasalukuyang sistema ay hindi sapat, kaya't maraming magsasaka ang naiiwan sa kahirapan kapag may malawakang pinsala. Ang pagbuo ng mas epektibong insurance scheme ay isang mahalagang hakbang upang matulungan silang makabawi mula sa mga pagkalugi.


Dapat ding magsagawa ng masusing risk assessment at bumuo ng mga plano para sa mga kalamidad na susi sa pagpapabuti ng resiliency ng sektor ng agrikultura. 

Mas agahan ang pag-abiso at koordinasyon sa pagitan ng mga ahensya ng gobyerno, lokal na pamahalaan, at mga magsasaka upang makapagplano at makapaghanda.


Ang pinsala ni ‘Enteng’ ay isang mahalagang paalala sa lahat ng sektor ng lipunan na ang pag-unlad ng agrikultura ay hindi maaaring ipagsawalang-bahala. 


Sa pagharap sa hamong ito, kailangang magtulungan ang gobyerno, pribadong sektor, at mga mamamayan upang matiyak ang mas ligtas at mas matibay na hinaharap para sa ating mga magsasaka at sa buong bansa. 


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page