Buwis-buhay sa bigas
- BULGAR

- 18 hours ago
- 1 min read
by Info @Editorial | May 22, 2026

Isang 73-anyos na senior citizen ang namatay matapos masagasaan habang nakapila para sa P20 kada kilo na bigas sa Quezon City.
Hindi ito simpleng aksidente lamang—ito ay malinaw na patunay na ang “murang bigas” ay nauuwi sa buwis-buhay.
Sa halip na maging sagot sa gutom at kahirapan, ang programa ay nagiging larawan ng magulong sistema.
Mga matatanda, kabilang ang mga senior citizen na dapat inaalagaan, ay pinapapila nang maaga, sa gitna ng siksikan, trapiko, at panganib. Para lamang sa bigas.
Tanungin natin nang direkta: bakit kailangang may mamatay bago ayusin ang sistema?
Kung tunay na prayoridad ng pamahalaan ang mahihirap, hindi ganito ang dapat na kalagayan.
Hindi dapat ang gutom ang nagtutulak sa kanila sa panganib.
Ang murang bigas ay dapat dumadating sa tao, hindi ang tao ang sumasabak sa delikadong sitwasyon para rito.
Kung may organisadong sistema sana—maayos na listahan, delivery sa barangay, o direktang distribusyon sa bahay ng mga senior citizen—hindi sana nauwi sa trahedya ang simpleng pagbili ng bigas.



Comments