Serbisyo vs. Bisyo... Mandatory drug test sa gobyerno, dapat lang
- BULGAR

- 14 hours ago
- 1 min read
by Info @Editorial | May 21, 2026

Nakakahiya na kailangang paalalahanan pa ang ilang empleyado ng gobyerno na umiwas sa ilegal na droga.
Habang milyun-milyong Pilipino ang nagbabayad ng buwis para sa maayos na serbisyo, may ilang kawani naman na posibleng lulong sa bisyo at walang pakialam sa epekto nito sa trabaho at publiko.
Kaya tama lamang na gawing regular at mas mahigpit ang drug test sa lahat ng empleyado ng gobyerno.
Hindi katanggap-tanggap na ang mga taong dapat nagsisilbi nang tapat ay siya pang posibleng gumagamit ng ipinagbabawal na gamot.
Paano pagkakatiwalaan ang isang empleyadong sabog ang isip sa paggawa ng mahahalagang desisyon? Paano aasahan ang maayos na serbisyo kung ang mismong kawani ay hindi disiplinado?
Ang gobyerno ay hindi rehabilitation center para sa mga ayaw magbago habang nasa serbisyo. Kapag positibo sa droga, dapat may kaukulang aksyon agad.
Kung ang ordinaryong manggagawa ay kayang sumunod sa patakaran, lalong dapat sumunod ang mga nasa gobyerno.
Hindi mawawala ang problema sa droga kung puro kampanya lang habang may mga gumagamit mismo sa loob ng opisina ng gobyerno.
Kung seryoso ang pamahalaan sa paglilinis ng sistema, magsimula ito sa sarili nitong hanay.



Comments