top of page
TEKA NGA - GARY V., 62 NA, WALA PA RING BALAK MAG-RETIRE_IG _garyvalenciano.jpeg

Pinsala ng Bagyong Odette, doble-hamon sa pandemya

Writer: BULGAR
BULGAR
Dec 21, 2021
2 min read

ni Ryan Sison - @Boses | December 21, 2021



Doble hamon ang dala ng Bagyong Odette.


Bukod sa pinsalang idinulot nito sa Visayas at Mindanao, apektado rin ang pagresponde ng pamahalaan laban sa COVID-19 pandemic.


Kaugnay nito, nagbigay-babala ang health expert na si Dr. Leachon na posibleng kumalat ang COVID-19 sa Visayas at Mindanao dahil sa pagsisiksikan ng mga nasalantang pamilya sa mga evacuation centers.


Kaya naman paalala nito, importanteng ma-monitor ang sitwasyon sa mga lugar na sinalanta ng Bagyong Odette sa mga darating na linggo, lalo na’t mababa pa rin ang vaccination rate sa mga naturang lugar.


Ang paalala ay kasunod ng pag-amin ng Department of Health (DOH) Undersecretary Myrna Cabotaje na naging mababa ang resulta ng National Vaccination Day dahil sa bagyo.


Ayon sa opisyal, nasa kabuuang 2,361,216 doses o 31% ng pitong milyong taget lamang ang naabot mula Disyembre 15 hanggang 17.


Sa ngayon, prayoridad na maasikaso ang mga evacuees at mabigyan ng mga pangangailangan laban sa virus tulad ng facemask at alcohol, bukod pa sa pagpapatuloy ng bakunahan.


Tila hindi na nauubos ang mga hamon habang patuloy nating kinahaharap ang pandemya.


Lalo pa ngayon na apektado ang vaccination program dahil base sa mga ulat, may mga bakunang nasayang dahil sa pagkawala ng kuryente sa ilang lugar sa Mindanao at Visayas.


Bagay na napakabigat para sa mga lokal na pamahalaan dahil tulad ng nabanggit, mababa ang vaccination rate sa mga naturang lugar.


Nakalulungkot dahil marami na nga ang nasalanta ng bagyo, nanganganib pang mahawahan ng COVID-19.


Bagama’t alam nating ginagawa ng lokal na pamahalaan ang lahat ng kanilang makakaya upang matugunan ang mga pangangailangan ng kanilang nasasakupan, sana ay maitawid din ang tulong mula sa nasyunal na pamahalaan.


Sa ngayon, hangad nating mabantayan nang mabuti ang mga evacuees at kahit mahirap, sana’y nasusunod ang minimum health protocols sa mga evacuation sites.


‘Ika nga, pagsubok lamang ito at sa pamamagitan ng pagtutulungan at malasakit, ito ay malalampasan din natin.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page