top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Pinoy seafarers na na-hostage sa Red Sea, safe sa ngayon

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Nov 25, 2023
  • 2 min read

ni Ryan Sison @Boses | November 25, 2023


Ligtas na sa ngayon at maayos ang lagay ng 17 Pinoy seafarers na kabilang sa mga na-hostage ng Yemen’s rebel group na Houthi mula sa na-hijack na barko sa Red Sea.


Ito ang naging pahayag ni Foreign Affairs Undersecretary Eduardo de Vega sa isang panayam at sinabi nitong ang naturang barko ang talagang pinuntirya, at nagkataon lang na may mga Filipino crew na naroroon.


Ang good news aniya, alam nila na ang mga seafarer ay maayos ang sitwasyon at ang mga rebeldeng Houthi ay patuloy na nagpapahiwatig na hindi nila nilalayon na saktan ang mga na-hostage na Pinoy.


Ayon kay De Vega, ginagawa pa rin ng gobyerno ang lahat nang makakaya, habang sila aniya ay “on top of the situation”.


Bagama’t hindi niya masasabi kung kailan pakakawalan o ire-release ang mga nabihag na Pinoy, ipinunto naman ni De Vega na may mga pagkakataon, bago pa ang mga Pinoy seafarer ay dinala sa Yemen, lahat sila ay pinalalaya naman.


Matatandaang naiulat ng Israel authorities na ang isang British-owned cargo ship na ino-operate ng isang Japanese company ay na-hijack ng armadong grupo sa Red Sea.


Batay sa report ng Kyodo News, ang Nippon Yusen K.K., na kilala ring NYK Line ay may kabuuang 25 katao on board. Ang mga tripulante o crew ay nagmula sa Bulgaria, Ukraine, Pilipinas, Mexico at Romania.


Mabuti naman at ligtas na sa ngayon ang mga Pinoy seafarer na nabihag ng mga nasabing armadong grupo.


Nakakabahala kasi na ang ating mga kababayang nagtatrabaho sa ibang bansa at maging mga seafarer ay mapapabalitang sinaktan, minaltrato, hinostage o kaya naman ay nadamay sa gulo.


Wala silang kalaban-laban sa ganitong mga sitwasyon dahil ang alam lamang nila ay maghanapbuhay para sa sarili at kanilang mga pamilya.


Tanging ang makapagbibigay sa kanila ng suporta at proteksyon ay ang ating pamahalaan, kaya naman panawagan natin sa kanila, na huwag sana silang tumigil na gawin ang lahat ng paraan upang mapalaya na nang tuluyan ang mga nabihag na Pinoy crew at tiyaking wala ni isa sa kanila ay mapahamak.

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page