Pinoy nagbunyi nang agawin ni Tugawin ang Stage 8 win
- BULGAR

- May 8
- 2 min read
ni Elyssa Nichole @Sports | May 8, 2026

Photo: MPTC
Paoay, Ilocos Norte - Nagsaya ang Pinoy cycling fans na nag-abang sa finish line matapos sikwatin ni Ryan Tugawin ng Excellent Noodles Cycling team ang Stage 8 ng MPTC Tour of Luzon 2026 na nagsimula sa Pagudpud, Ilocos Norte at nagtapos sa San Agustin Church dito, kahapon.
Nasaksihan ng mga fans ang husay ni 36-year-old Tugawin sa rematehan ng makipagkaskasan laban sa apat na siklistang nakatunggali kasama sina Ariff Noor Roseidi ng National Team Malaysia at pambato ng Go for Gold, Marvin Mandac na dumating ng segundo at tersero ayon sa pagkakasunod.
Kasama nina Tugawin, Roseidi at Mandac na tumawid sa meta sina Charles Olsen Ferrer ng CCN at Nash Joshua Lim ng MPT Drivehub Cycling team sa karerang suportado ng Metro Pacific Tollways Corp., Philippine Sports Commission, (PSC) sa pamumuno ni chairman Patrick "Pato" Gregorio.
Nakapagtala ng pare-parehong tiyempo na 3 oras, 16 minuto at 58 segundo sa 148.4 kms Pagudpud - Paoay sina Tugawin, Roseid, Mandac, Ferrer at Lim, dinaanan nila ang lugar na Bangui, Burgos, Pasuquin, Bacarra, Batac at Currimao. "Nu'ng last 40 kilometers nag-usap-usap na kaming mga Pinoy para hindi foreigner ang manalo, kaya nag-breakaway kami tapos dumikit, tapos ayun, nagkabanatan ulit," sabi ni Tugawin.
Huling Pinoy na nagwagi ng lap ay si Emmanuel Dave Montemayor ng Go for Gold Philippines sa Stage 3 at pagkatapos ay dinomina na ng foreign riders ang karera.
Samantala si Russian rider Nikita Shulchenko ng LCW UAE Cycling team ang may hawak ng yellow jersey at isusuot nito ngayong araw sa 142.60 Stage 9 Laoag - Candon City.
Nasa pangalawa pa rin sa Individual General Classification si Syrian cyclist Yousef Ibraheim Alrefai ng LSW UAE Cycling team habang pangatlo si Mervin Corpuz ng 7Eleven Cliqq Roadbike Philippines.





Comments