top of page
Search
  • BULGAR

Pinoy doctors, kayang gamutin ang ‘walking pneumonia’

@Editorial | December 9, 2023


Bago pa lumala, pinawi na ng Department of Health (DOH) ang pangamba ng publiko na hindi indikasyon ng panibagong outbreak ang apat na kaso ng mycoplasma pneumoniae o ‘walking pneumonia’ sa Pilipinas.


Sa isang statement, iniulat ng ahensya na nakarekober na ang nasabing mga pasyente na dinapuan ng sakit.


Sinabi rin ng DOH na maliit na porsyento o 0.08% lang ang nakumpirmang kaso sa bansa ng influenza-like illness dahil sa walking pneumonia mula Enero hanggang Nobyembre 25.


Paliwanag ng ahensya, ang mayorya ng kaso ng ILI sa nasabing period ay sanhi ng karaniwang nade-detect na pathogens na mayroong angkop na lunas. Bagama’t nakaaapekto ito sa mga indibidwal sa lahat, mapabata man o matanda, puwede umanong makaramdam lamang ng cold-like symptoms.


Samantala, ang mga may mahihinang immune systems naman at nakatira sa closed settings ay mas may tsansa umanong magkaroon ng malalang sakit.


Ang pinakamahalagang bagay na dapat malaman ng publiko, may kaukulan na umanong kakayahan o kadalubhasaan ang mga Pilipinong doktor at medical personnel para magamot ang naturang sakit at mayroon ding nakahandang mga gamot sa mga ospital.


Gayunman, mas mainam na magsagawa ng preventive measures kabilang ang regular na paghuhugas ng kamay, pagsusuot ng face mask, pagtiyak na may maayos na bentilasyon at updated ang bakuna para maiwasan ang hawaan ng sakit at iba pang respiratory pathogens.

 

Kaya sa mga nagpapakalat ng pekeng balita lalo na online, tigilan n’yo na. Kung ayaw paawat, kailangan nang kumilos ng mga otoridad para sila masampulan at nang ‘di na pamarisan.

 

 

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page