Pinoy community sa Cambodia, binisita ni P-BBM
- BULGAR
- Nov 14, 2022
- 2 min read
ni Lolet Abania | November 14, 2022

Binisita ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Filipino community sa Cambodia matapos dumalo sa 40th at 41st ASEAN Summit and Related Summits sa Phnom Penh.
Sa kanyang mensahe, ipinangako ng Pangulo na pagagandahin niya ang kondisyon ng pagtatrabaho sa Pilipinas, at tututukan ang kakulangan sa mga oportunidad upang ang mga Pilipino ay hindi na mapilitang umalis pa ng bansa para maghanap ng mas magandang oportunidad sa ibang bansa.
“Ang aking pangarap ay sana hindi na kailangang umalis ang Pilipino dahil hindi makahanap ng trabaho sa Pilipinas. Kung may aalis man sa Pilipinas para magtrabaho, hindi dahil sapilitan. Ito ay dahil may mas magandang pwesto na pwede nilang kunin. Ngunit kung nais maiwan sa Pilipinas ay may trabaho para sa bawat Pilipino,” pahayag ni Pangulong Marcos.
Kinikilala rin ng Punong Ehekutibo ang mga hirap at sakripisyo ng mga Pilipino, habang pinuri nito ang kalidad ng kanilang pagtatrabaho pati na mga values o magandang-asal na taglay saan man sila magpunta.
“Lahat ng pinupuntahan ng Pilipino, pati na rito sa Phnom Penh, sa Cambodia, ay laging sinasabi ng mga lokal, ng mga tiga-doon, na ‘ang mga Pilipino ay tuwang-tuwa kami na nandito sila dahil matulungin, napakasipag, honest.’ Lahat ng mga katangian na hinahanap ng ating mga kaibigan,” sabi ng Pangulo.
“Filipinos are the best people in the entire world,” dagdag ng Chief Executive sa pagtatapos ng kanyang 4-day trip sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summits.
Ayon sa Philippine consulate sa Cambodia, may mahigit sa 5,000 Pinoy ang naninirahan at nagtatrabaho sa Cambodia.
Sila ay nagtatrabaho bilang mga guro, guidance counselors, school administrators, engineers, accountants, managers, medical workers, supervisors, skilled workers, gayundin sa mga executive positions.





Comments