Pinoy community sa Amerika, nakasama na ni P-BBM
ni Lolet Abania | September 19, 2022

Nakipagkita na si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Filipino community sa New Jersey, USA, ng Linggo (Lunes, oras sa Pilipinas) habang hinimok ang mga itong suportahan ang turismo at mag-invest sa bansa.
Sa isang report ng GMA News, binati ni Pangulong Marcos ang maraming Pilipino na dumating hindi lamang mga nanggaling sa New Jersey, kundi nagmula rin sa New York at Canada na nagtipon sa New Jersey Performing Arts Center.
Sa kanyang speech, binigyang-pugay ni P-BBM ang mga overseas Filipino workers (OFWs) sa kanilang mga sakripisyo at kontribusyon para sa economic recovery ng bansa.
“Kahit nasa malayo kami ay pinapanood namin kayo, pumuputok po ang puso namin ‘pag nakita namin ang inyong ginagawa na itinataas at pinapatingkad ang pangalan ng Pilipinas sa buong mundo,” ani Pangulo.
Pinasalamatan din ng Punong Ehekutibo ang mga Pilipino na nasa US, kung saan ang kanilang mga remittances ay nag-account ng 40% ng higit sa $3.4 billion kabuuang remittances.
“‘Yung remittances na pinadala ninyo, alam ko ang iniisip ninyo ay tulungan ang mga pamilya ninyo. Pero kahit hindi niyo nararamdaman, malaking naitulong ninyo sa ekonomiya ng Pilipinas. At siguro hindi lang malaki ang naitulong, binuhay ninyo ang ekonomiya ng Pilipinas,” pahayag ng Chief Executive.
“We have over 10 million kababayans all over the world, and as your President, I understand and know fully well the significant impact of the Philippine diaspora on our motherland, especially in terms of supporting our post-pandemic economic recovery,” saad pa ng Pangulo.
Gayundin, pinasalamatan ni Pangulong Marcos ang mga medical frontliners sa kanilang kabayanihan lalo na sa panahon ng kasagsagan ng COVID-19 pandemic nang maipamalas nila ang mga mahahalagang kontribusyon na nagawa.
Hinimok naman ng Pangulo ang audience na makiisa sa pagpo-promote ng turismo, gawing mag-invest sa Pilipinas, at bumisita sa kanilang bayan upang makita ang kaganda ng ating bansa.
Samantala, mayroong 100,000 Pilipino ang naninirahan sa New Jersey, marami sa kanila ay mga health workers.





Comments