top of page

PINKY, UMAMING INAALMUSAL ANG BASHING

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 3 hours ago
  • 2 min read

ni Reggee Bonoan @Sheet Matters | January 12, 2026



Pinky Amador

Photo: Pinky Amador / FB



Ang ganda ng mensahe ng pelikulang Breaking The Silence (BTS) na idinirek ni Errol Ropero dahil tinalakay dito ang mental health na nagkakaroon ang isang indibidwal dahil sa bullying, pagiging neglected ng pamilya, depression, atbp..


Sadyang ginawa pala ito ni Direk Errol para ipalabas sa mga eskuwelahan upang maging aware ang mga guro at estudyante sa parehong private at public schools.


Ang mga nagsiganap sa pelikula ay sina Ramon Christopher, Jeffrey Santos, Rob Sy, Pekto Nacua, Bugoy Cariño, Mark Herras, Shira Tweg, Potchi Angeles, Gray Weber, Gene Padilla, Ryrie Sophia, at Pinky Amador. Ito ay produced ng Gummy Entertainment.


Sa mga nabanggit ay nakatikim na ng bashing si Gene dahil sa nangyaring kasal ng pamangking si Claudia Barretto, anak ni Dennis Padilla, kay Basti Lorenzo noong Abril 8, 2025.


Sinundan ni Mark dahil sa umano’y panggagamit nito sa singer na si Jojo Mendrez.

Gayundin si Pinky dahil sa pagiging vocal nito tungkol sa pelikulang Quezon ni Jericho Rosales na kinuwestiyon ng tiyuhin niyang si Ricky Quezon Avanceña ang direktor nitong si Jerrold Tarog. Para sa aktres, wala namang masama.


Bukod dito ay nakaengkuwentro rin niya sa social media ang brodkaster na si Anthony Taberna sa sinabi nitong “Bibili sana ako ng fake news” na inalmahan ng una.


Pero nauna na sa mga nabanggit si Bugoy Cariño nang matanggal siya bilang isa sa miyembro ng Hashtags sa It’s Showtime (IS) dahil sa biglaan nitong pagiging ama pitong taon na ang nakararaan.


Sa mediacon matapos ang screening ng BTS ay natanong si Pinky kung ano ang reaksiyon niya nang makaranas din siya ng pambu-bully sa social media at ano ang kanyang natutunan.


Diretso ang sagot ng magaling na character actress, “I eat bashing for breakfast, ganu’n lang!”


Nagkatawanan ang mga nasa loob ng Trinoma Cinema 7 sa mariing sagot ni Pinky na madalas gumanap bilang kontrabida, ngunit nagpaliwanag naman siya.


“I think nakatulong din ‘yung role ko bilang kontrabida kasi ‘di maiiwasan na iba-bash ka talaga. So, matututo ka to take it with a grain of salt kasi karamihan, walang picture, karamihan hindi totoong pangalan, nagtatago sa alyas, o baka troll sila. O doon na lang sila nagkakaboses sa social media dahil wala silang boses sa totoong buhay.


“So for me, it comes with the job. S’yempre, ‘di maiiwasan na may time na masakit at may time na mapapaisip ka, pero overall, when you take a step back, you always have to think of the bigger picture. So ‘pag ganu’n, I just take it na siguro I’m doing my job well dahil nagre-react sila,” maayos na paliwanag ng aktres.


Ginampanan ni Pinky ang papel bilang asawa ni Jeffrey at ina ni Shira, na naging biktima ng pambu-bully ng kanilang kasambahay noong bata pa at maging sa eskuwelahan.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page