ni Gerard Arce @Sports | March 18, 2024
Tinupad ni Filipina fencer Maxine Esteban ang kanyang pangarap na makapaglaro sa Summer Olympic Games matapos na magkwalipika ito sa senior women’s foil event sa 2024 Absolute Fencing Gear FIE Foil Grand Prix sa Washington, D.C. sa Estados Unidos.
Subalit, hindi nito dadalhin ang bandila ng Pilipinas, bagkus ay kakatawanin nito ang bansang Cote d’Ivore o Ivory Coast para sa 2024 Paris Olympics simula ngayong Hulyo 26 hanggang Agosto 11 sa bansang France.
Dinaig ng World No. 37 women’s foil si Kim Hyunjin ng South Korea sa Table 128 sa iskor na 15-13, ngunit yumuko kay Adeline Senic ng Slovakia sa 15-9 sa Table 64 sa sumunod na laban. Sa kabuuan ay tumapos si Esteban sa 83rd place, na sapat upang magbigay sa kanya ng isang silya para sa Africa continent.
“This journey is truly a testimony of God’s faithfulness. Today, I am in awe of His love for me and I am grateful He has carried me through. For all the second chances, opened windows, miraculous feats, and generous provisions, thank you Heavenly Father,” saad ni Esteban sa kanyang inilabas sa Facebook post.
“The significance of the Olympic stage, for an OLY, is not the event. It is what it symbolizes… unwavering passion and discipline. May I inspire those who dream and have at one point almost given up, to persist amidst storms and rough waters.”
Hindi man nito nirepresenta ang Pilipinas sa pinakamataas na kompetisyon sa mundo, matapos ang ilang beses na paglalaro sa bansa kabilang ang SEAG at sa UAAP sa koponan ng Ateneo na kanyang binigyan ng kampeonato noong 2018 at Rookie of the Year at MVP, aniya, "This is for Cote d’Ivoire, the country that embraced me, believed in me and supported me all the way. And for the Philippines, the country my heart will always beat proud,” wika ni Esteban sa naturang post.
Comments