top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

Pinay Booters, solo lider sa Group A ng AFF C'ships

BULGAR
Jul 10, 2022
2 min read

ni Anthony E. Servinio - @Sports | July 10, 2022



Pinatibay ng Pilipinas ang hawak nila sa solong liderato ng Grupo A sa 2022 ASEAN Football Federation (AFF) Women’s Championship matapos ang 4-0 panalo sa palaban na Malaysia Biyernes ng gabi sa Rizal Memorial Stadium. Malinis pa rin ang mga Filipinas sa kanilang 9 na puntos mula sa 3 panalo, dalawa ang lamang sa humahabol na Thailand at Australia na parehong nagtala din ng hiwalay na impresibong tagumpay.

Kinuha ni Coach Alen Stajcic ang pagkakataon na palaruin ang kanyang mga reserba at naging mabagal ang simula ng Filipinas. Napilitang mag-iba ng estratehiya matapos paupuin si Kaya Hawkinson sa ika-10 minuto bilang pag-iingat sa kanyang naumpog na ulo.

Agad naramdaman ang pagpasok ng kanyang kapalit Sara Eggesvik na ipinasok ang unang goal sa ika-32 minuto. Nagprotesta ang Malaysia na hindi naman tumawid sa linya ang bola subalit hindi nagbago ang pasya ng reperi.

Lalong ginanahan ang mga Pinay at sumunod ang mga goal nina Katrina Guillou sa ika-43 at Quinley Quezada sa ika-49 minuto para maging 3-0 pagsapit ng halftime. Tinuldukan ni reserba Anicka Castaneda ang gabi sa pang-apat na goal sa ika-72 minuto galing sa pasa ni Eggesvik.

Sumandal ang Australia sa apat na goal ni Amy Sayer sa first half pa lang para sa 4-0 tagumpay sa Indonesia. Sa Binan Football Stadium, dinurog ng Thailand ang Singapore, 3-0.

Susubukan ngayong Linggo ng Filipinas na makuha ang unang upuan sa semifinals sa kanilang tapatan kontra Indonesia simula 7:00 ng gabi sa Rizal Memorial muli. Matatandaan na tinambakan ng Pilipinas ang Indonesia, 6-0, noong 2022 AFC Women’s Asian Cup India noong Enero at hindi malayo na maulit ito sa kanilang kasalukuyang porma.


Mga laro ngayong Linggo – Rizal Memorial Stadium

4:00 PM Singapore vs. Australia

7:00 PM Pilipinas vs. Indonesia;

7:00 PM Malaysia vs. Thailand (Binan)


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page