Pinay Booters Nat'l Team binuo na ng PFL ang lineup
ni Anthony E. Servinio @Sports | July 11, 2023

Inilabas na ng Philippine Football Federation (PFF) noong Linggo ng gabi ang opisyal na listahan ng 23 magiging bahagi ng Philippine Women’s Football National Team sa kanilang makasaysayang paglahok sa 2023 FIFA Women’s World Cup simula ngayong Hulyo 20 sa New Zealand at Australia. Kasalukuyang nasa Sydney, Australia ang Filipinas na tinatapos ang masinsinang isang buwang ensayo doon bago tumulak patungong New Zealand.
Pamumunuan ang koponan ni kapitana at midfielder Tahnai Annis at bise-kapitan at defender Hali Long. Sa edad na 34, si Annis din ang ate ng grupo habang si Long ang may pinakamaraming laro para sa pambansang koponan na 74.
Ang mga forward ay sina Sarina Bolden, Carleigh Frilles, Katrina Guillou, Chandler McDaniel, Isabella Flanigan at Meryll Serrano. Sasamahan si Kap Annis sa midfield nina Quinley Quezada, Anicka Castaneda, Sara Eggesvik, Ryley Bugay at Jaclyn Sawicki.
Ang tatlong goalkeeper ay sina Olivia McDaniel, Kiara Fontanilla at Kaiya Jota na bunso ng Filipinas sa edad na 17. Ang depensa ay naka-angkla kay Long, Alicia Barker, Jessika Cowart, Reina Bonta, Malea Cesar, Sofia Harrison, Dominique Randle at Angela Beard.
Ayon kay Coach Alen Stajcic, mahirap ang pumili matapos ang kanilang pinangdaanan sa nakalipas na 18 buwan. Sa huli, ginamit na batayan ang kalidad na ipinapakita sa ensayo at ang kabuuang kalusugan ng manlalaro na inaasahan na magiging pinaka-nararapat na kinatawan ng bansa pagsapit ng World Cup.
Lahat ng Filipinas ay naglalaro o nag-aaral sa ibayong-dagat maliban kay Long ng Kaya Iloilo at magkapatid na Mcdaniel ng Stallion Laguna sa PFF Women’s League. Bubuksan ang kampanya laban Switzerland sa Hulyo 21. Susundan ito ng tapatan sa co-host New Zealand sa Hulyo 25 at 1995 kampeon Norway sa Hulyo 30.





Comments