top of page

‘Pinas, walang ligtas sa ibinabalang pagbagsak ng ekonomiya

  • BULGAR
  • Apr 6, 2022
  • 2 min read

ni Ka Ambo - @Bistado | April 6, 2022


IBINABALA na ang pagbagsak ng ekonomiya sa buong daigdig.


Hindi makakaligtas dito ang Pilipinas.


◘◘◘


SA mga presidential debate, dapat ay itinatanong sa mga kandidato kung anong espesipikong programa ang ipatutupad upang sagipin ang bansa sa krisis na ito.


Apektado ng krisis mismo ang US, China, Europe partikular ang maliliit na bansa.


◘◘◘


MAHALAGANG makontrol ng gobyerno ang aktibidad ng mga dambuhalang korporasyon.

Kasabay n’yan, saklolohan ang maliliit na negosyante.

At maglagay ng feeding center sa lahat ng sulok ng barangay upang walang mamamatay o magkakasakit sa gutom.


Ganu’n lang kasimple.


◘◘◘


DUMADAING ang lahat ng sektor, maging ang hanay ng obrero, maliliit na negosyante at dambuhalang komprador.

Ano ang solusyon?


Simple lang ang payo ng matatanda, magsinop at magtipid.


◘◘◘


ANG pagsisinop ay ang pag-iwas gumastos sa walang kuwentang aktibidad at magsikap na gamitin nang todo kung anong resources ang hawak mo.


Ang pagtitipid ay aktuwal na pagtatabi, pag-aalkansiya at pagtatago ng ilang halaga o porsiyento ng nahahawakang cash.


◘◘◘


NATUTUWA tayo sapagkat ‘yan mismo ang ipinapanukalang batas ni dating Speaker Alan Peter Cayetano, ang pagtatakda ng savings sa lahat ng kagawaran at sangay ng pamahalaan.


Ibig sabihin hindi lang ang sibilyan ang dapat magtipid, bagkus ay gawing isang mandato o obligasyon sa sangay ng gobyerno na magtipid.


◘◘◘


ITINAKDA ng panukalang batas ang 5 percent savings na siyang target para maayudahan ang 20 milyong Pinoy.


Noong Huwebes March 31, inihain ni Cayetano ang HB 10832 o Mandatory Savings Act para makalikom ng P250 bilyon.


◘◘◘


KABILANG sa mga may akda sina Congresswoman Lani Cayetano, Camarines Sur Rep. Lray Villafuerte, Batangas Rep. Raneo Abu, at Laguna Rep. Dan Fernandez.

Layon ng "Mandatory Savings Act of 2022" na hikayatin ang lahat ng sangay ng gobyerno kasama ang government financial institutions (GFIs), at instrumentalities na magtabi ng limang porsiyento ng kanilang budget bilang savings.


Sa totoo lang, sobra-sobra pa nga ang P250 bilyon na malilikom mula sa hakbang na ito.


◘◘◘


PUWEDENG bigyan ng tig-P10K ayuda ang bawat isa sa 20 milyong pamilyang Pilipino.

Maaaring gamitin ang matitirang P50 bilyon sa ibang sektor na pinadapa rin ng pandemya.


◘◘◘


HINDI dole-out ang ayudang ito, bagkus ito ay asiste upang makapagtayo ng munting negosyo ang kada pamilya.

Ito na mismo ang pagkukunan ng kanilang ikabubuhay sa gitna ng krisis.


Kumbaga, hindi isda ang ibinigay sa mga tao, bagkus ay pamingwit at bangka na magagamit sa paghuli ng isda.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page