top of page
BULGARY - SERYE NI COCO, INIREKLAMO SA MTRCB, TULOY PA RIN-IG _dreamscapeph.jpg

‘Pinas, top rice importer pa rin sa buong mundo

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jul 16, 2024
  • 2 min read

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | July 16, 2024



Prangkahan ni Pablo Hernandez

SA SONA NI PBBM, SANA MAKATOTOHANAN ANG IHAYAG NIYA SA PUBLIKO AT HINDI BOLADAS AT PABIDA LANG -- Sa Lunes, July 22, 2024 ay ikatlong State of the Nation Address (SONA) na ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM).


Sana naman ay makatotohanan ang mga ilahad ni PBBM sa kanyang ikatlong SONA at hindi mga boladas at pabida lang sa mamamayan.


Sa unang SONA kasi ni PBBM ay ipinangako niyang ibababa ang presyo ng mga bilihin, pero hindi nangyari, at sa ikalawang SONA ng Presidente ay nangako siya na tutugisin at ipapakulong niya ang mga agri-smuggler na dahilan kaya mataas ang presyo ng mga produktong pagkain. Ang masaklap, wala ring nangyari kasi tuloy pa rin ang vegetable smuggling ni “Leah Cruz” at meat smuggling ni “Gerry Teves” boom!


XXX


AKALA NG PUBLIKO ‘DI NA MAG-AANGKAT NG BIGAS ANG ‘PINAS SA PAGKATALAGA KAY LAUREL SA DA, IYON PALA TULOY PA RIN -- Base sa data ng United States Department of Agriculture (USDA) ay lumabas na ang Pilipinas pa rin ang number 1 o top rice importer sa buong mundo.


Hay naku, akala ng publiko ay hindi na mag-aangkat ng bigas ang ‘Pinas matapos na italaga ni PBBM si businessman Francisco Tiu Laurel bilang kalihim ng Dept. of Agriculture (DA), na ang akala ng mamamayan ay magbibigay ng todong suporta ito (Sec. Laurel) sa mga magsasaka para maiwasan na ang pag-i-import ng mga rice, iyon pala tuloy pa rin ang pag-aangkat ng ‘Pinas ng mga bigas sa ibang bansa, buset!


XXX


KAPAG DINEDMA NI PBBM ANG REKOMENDASYON NI SEC. RECTO NA I-BAN ANG POGO, DAPAT MAG-RESIGN NA SIYA KASI ‘DI BILIB SA KANYA ANG PRESIDENTE -- Inirekomenda ni Sec. Ralph Recto ng Dept. of Finance (DOF) kay PBBM na i-ban na ang Chinese POGO (Philippine Offshore Gaming Operators) na ang operasyon ay online gambling dahil kahit daw wala ng POGO sa ‘Pinas ay makakalikom pa rin ng malaking buwis ang pamahalaan.


Kapag dinedma lang ni PBBM ang rekomendasyon ni Sec. Recto na i-ban ang POGO ay dapat na siyang mag-resign bilang finance secretary kasi lalabas na walang bilib sa kanya ang Presidente, period!


XXX


SUNTOK SA BUWAN ANG PANUKALANG ANTI-POLITICAL DYNASTY NI SEN. ROBIN PADILLA --Nagsulong na si Sen. Robin Padilla sa Senado ng panukalang batas na anti-political dynasty bill.


Sa totoo lang, maganda para sa mamamayan ang panukalang ito ni Sen. Padilla, ang problema lang ay “suntok sa buwan” na maipasa ito kasi tiyak hindi ito susuportahan ng mga magkakapamilyang senador, kongresista, partylist representatives at maging ni PBBM na meron ding political dynasty, boom!

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page