‘Pinas, Top 8 sa mundo na delikado sa mga Journalist
ni Pablo Hernandez III @Prangkahan | November 7, 2023
TOTOO NGA, DELIKADO ANG MGA JOURNALIST SA ‘PINAS -- Nitong nakalipas na November 4, 2023, base sa inilabas na data ng Committee to Protect Journalists (CPJ) na nakabase sa New York, sa 196 bansa sa buong mundo ay pangwalo ang Pilipinas sa mga lugar na delikado para sa mga mamamahayag.
Totoo ‘yan, at katunayan nga kamakalawa lang habang nagpoprograma sa kanilang radio station si broadcaster Juan Tumpag Jumalon ay pinatay ito nang barilin ng gunman ng dalawang beses sa mukha ang biktima, tsk!
◘◘◘
SABI NI DA SEC. LAUREL, MALABO ANG P20 PER KILO NG BIGAS, KAYA’T NGAYON NAPAGTANTO NA NG MGA LOYALISTANG ‘NAUNGGOY’ SILA NI P-BBM -- Sa interview ng mga mamamahayag kay Sec. Francisco Tiu Laurel ng Dept. of Agriculture (DA) patungkol sa posibleng maging P20 na per kilo ng bigas ngayong siya na ang DA sec., ang sabi niya ay malabo raw mangyari na maging P20 per kilo ng bigas kasi mahal daw ang presyo ng bigas ngayon sa international market.
So, malinaw na ngayon sa mamamayan na hindi na magkakaroon ng katuparan ang P20 per kilo ng bigas na campaign promise noon ni Pres. Bongbong Marcos (P-BBM), na ibig sabihin, ay ‘yung 31 million na bumoto kay P-BBM, naunggoy lang sa P20 per kilo ng bigas, boom!
◘◘◘
PABIDA LANG YATA NG BIR AT CUSTOMS ANG SINABI NILANG LAMPAS LAGI ANG KOLEKSYON NILA SA BUWIS -- Buwan-buwan ay laging ibinibida nina Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Romeo Lumagui at Customs Commissioner Bienvenido Rubio na lumalampas daw sa kanilang monthly target collection ang koleksyon nila sa buwis.
Tila yata pabida lang ‘yan nina BIR Comm. Lumagui at Customs Comm. Rubio, kasi kung totoong lumalampas sa target collection nila ang nakokolekta nilang buwis, bakit nag-anunsyo nitong nakalipas na buwan si National Treasurer Rosalia de Leon na nitong September 2023 ay kinapos ng higit P250.9 billion ang pondo ng pamahalaan? Boom!
◘◘◘
TAAS-PASAHE SA BUS, DAGDAG-PAHIRAP SA MAMAMAYAN -- Humirit na rin ng dagdag-pasahe ang mga kumpanya ng pampasaherong bus.
Kapag ‘yan ay inaprub ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairman Teofilo Guadiz ay dagdag pahirap ‘yan sa mga mamamayan, kasi ang taas na ng presyo ng mga bilihin at bayarin, tapos may dagdag-bayad pa sa pasahe, tsk!





Comments