ni Ryan Sison @Boses | August 27, 2024
Sadyang ang mga Pinoy ay likas na palakaibigan.
Sa lumabas kasi sa isang survey ng Global Expat Network, nag-rank second o pumapangalawa ang Pilipinas sa mga bansa na pinakamadaling makahanap ng kaibigan (Easiest Countries To Make Friends 2024) para sa mga expat.
Ang ating bansa ay pangalawa sa puwesto habang ang Mexico, ang nangungunang bansa sa listahan. Sinundan naman ito ng Panama, Indonesia, at Costa Rica.
Pagdating naman sa usapin ng tinatawag na local friendship, ang Pilipinas ay nasa ikaapat na ranks, ayon sa internations.org. Habang nanguna ang Costa Rica, kasunod ang Indonesia at ikatlo ang Brazil.
Lumabas din sa survey na dalawa sa limang expats na naninirahan sa ating bansa ang may mga kaibigang Pinoy, habang apat sa bawat limang respondent ang nagsabing “welcome” at “at home” sila sa ‘Pinas.
Bukod dito, 69 porsyento ng mga respondent ang nagsabing hindi mahirap makipag-ugnayan o maging connected sa mga Pinoy, kung saan 58 porsyento ng mga expat ang gustong manirahan sa Pilipinas forever.
Ayon sa sociologist na si Ash Presto, ang kaalaman ng mga Pilipino sa wikang Ingles ay nakakatulong sa pagiging palakaibigan ng mga Pinoy. May mahalagang papel din sa survey ang konsepto ng “kapwa” o pakikitungo sa iba na hindi naiiba sa atin.
Paliwanag ni Presto, ang kapwa ay isang psychological concept. Ito iyong pakiramdam na pagtrato mo sa ibang tao na parang bahagi mo ang mga ito, na hindi sila ibang tao.
At kapag inanyayahan mo sila sa iyong tahanan, tinatrato mo sila sa paraang gusto mong tratuhin ka nila kung pumunta ka naman sa ibang bahay.
Sa kabila ng pagiging friendly ng mga Pinoy, sinabi ni Presto na hindi naman dapat umasa ang mga dayuhan na magiging matulungin tayo sa lahat ng oras.
Binigyang-diin din niya na hindi porke sinabing palakaibigan ang mga Pinoy ay puwedeng pumunta ang mga expat sa ating bansa at aasahan nila na lagi silang ia-accommodate dahil hindi rin magiging healthy o mabuti ito para sa atin bilang isang bansa.
Salamat naman at nakikilala pa rin ang ating bansa na mabuti at hinahanap-hanap na maging kaibigan ng maraming mga bansa, lalo na ang mga expat.
Natatangi kasi talaga ang katangiang taglay na ito ng mga Pinoy, na grabe kung makipagkaibigan dahil halos ituring na rin na parang sariling pamilya.
Ganyan ang mga Pinoy, bukas at laging handang tumulong sa kaibigan anuman ang kanilang lahi o itsura.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comments