‘Pinas, pasok sa ‘safest countries’ sa buong mundo
- BULGAR
- Jan 16, 2024
- 2 min read
ni Ryan Sison @Boses | Enero 16, 2024
Nakatutuwang malaman na ang Pilipinas ay nasa ikatlong puwesto na itinuturing bilang pinakaligtas na bansa sa buong Southeast Asia (SEA).
Ito ay batay sa Global Law and Order Report 2023 ng American analytics firm na Gallup.
Sa naturang pag-aaral, tinanong ang mga respondent patungkol sa kumpiyansa ng mga ito sa local police force, at kung pakiramdam ba nila na ligtas sila kahit naglalakad nang mag-isa sa gabi.
Lumabas sa survey na nakakuha ang ‘Pinas ng law and order index score na 86, kung saan nanguna ang Vietnam na may score na 92, habang pumangalawa naman ang Indonesia, 90 at kulelat ang Myanmar na may score na 66.
Kung pag-uusapan naman sa buong mundo, pasok din ang ‘Pinas sa top 40 countries na may mataas na score mula sa 140 na mga bansang kalahok sa survey.
Nanguna rito ang Tajikistan na may score na 96, habang panghuli ang Liberia, 40.
Labis namang ikinatuwa ng Philippine National Police (PNP) ang nasabing report habang ipinahayag na magsisilbi itong gabay sa kanilang hanay para ipagpatuloy ang misyon nitong pangalagaan ang kapakanan at kaligtasan ng mga komunidad. Isa ring indikasyon ito na mas tumaas ang tiwala ng mga mamamayan sa pulisya.
Good news para sa mga Pinoy na mapasama ang Pilipinas bilang isa sa mga tinatawag na safest countries sa Southeast Asia at sa buong mundo.
Sa rami kasi ng mga nangyayari sa buong mundo na halos oras-oras ay may namamatay at naitatalang krimen, marami talaga ang nangangamba para sa kanilang buhay.
Marahil, dahil na rin sa ginagawa ng ating kapulisan na mapanatili ang kapayapaan at seguridad ng bansa at siyempre ang malaking suporta sa kanila ng taumbayan, kaya nakasali tayo rito.
Hiling lang natin sa kinauukulan na paigtingin pa ang kanilang pagsisikap na mabawasan ang kriminalidad sa bansa at mas tutukan ang paglaban sa ilegal na droga.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Kommentare