'Pinas, pang-12 pinakaligtas na bansa

ni Lolet Abania | November 4, 2020

Itinuturing na isa sa 50 pinakaligtas na bansa sa buong mundo ang Pilipinas dahil sa nakikitang matiwasay na pamumuhay ng mga mamamayan at pagtitiwala nito sa lokal na pulisya, ayon sa 2020 Global Law and Order survey na isinagawa ng American analytics firm na Gallup.
Base sa report mula sa worldwide survey noong 2019, lumabas na pumuntos ng 84 ang Pilipinas na tumabla sa Australia, New Zealand, Poland at Serbia. Isa sa mga nabigyan ng highest scores sa maraming bansa at nasa 12th spot ang 'Pinas pagdating sa law and order na mas mataas sa inaasahang 82 index score lamang.
"The higher the score, the higher the proportion of the population that reports feeling safe," pahayag ng Gallup.
Ayon sa Gallup, nagbigay ng apat na katanungan ang mga researchers sa 175,000 katao mula sa 144 na bansa at mga lugar. Sasagutin ng mga ito ang tanong base sa kanilang naging karanasan at seguridad sa mga krimen at ipinatutupad na batas sa iba't ibang bansa.
Nanguna sa listahan ang Singapore at Turkmenistan sa law and order na may index score na 97. Kasunod ang China, Iceland, Kuwait, Norway, Austria, Switzerland, Uzbekistan at ang United Arab Emirates.
Ang Afghanistan, ang pinakamababa sa ranking na may score na 43.
Kabilang naman sa mga bansang may lowest scores ang Gabon, Venezuela, Liberia, South Africa, Gambia, Uganda, Sierra Leone, Botswana at Mexico.
“These numbers remained largely unchanged from 2018,” ayon sa Gallup.
Mula ang resulta ng survey sa telephone at face-to-face interviews sa tinatayang 1,000 katao kada bansa na may edad 15 at pataas na isinagawa noong 2019 sa 144 bansa at mga lugar.
Gayundin, base ang resulta sa kabuuang sample ng national adults.
Ayon pa sa Gallup, ang margin ng sampling error ay pumapalo mula sa ±2.1 percentage points hanggang ±5.6 percentage points na nasa 95 porsiyentong confidence level.





Comments