‘Pinas, No. 1 sa Sexual Abuse at Exploitation online sa buong mundo
ni Ryan Sison @Boses | Enero 28, 2024
Nakakaalarma na ang mga kaso ng online sexual abuse at exploitation na naitatala sa ating bansa ay tumataas.
Ito ang naging pahayag ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) habang binigyang diin nila na kinakailangang palakasin natin ang mga information drive laban dito.
Ayon kay CICC Deputy Executive Director Assistant Secretary Mary Rose Magsaysay sa isang panayam ng PTV, mataas na ang bilang ng OSAEC (Online Sexual Abuse and Exploitation of Children) ng Pilipinas, at number one tayo sa mundo at hindi ito maganda. Aniya, dapat turuan ang mga indibidwal na magkaroon ng iba pang alternatibo sa halip na maging numero uno tayo sa OSAEC cases.
Batay sa CICC, ang mga kaso ng online sexual abuse and exploitation ay kabilang sa tinatawag na “tens of thousands” ng cybercrimes na nai-report sa bansa, kasama rin dito ang mga financial crimes at mga scam.
Gayunman, para tulungan ang mga mamamayan na mai-report ang mga cybercrimes, nagtatag ang CICC ng 68 inter-agency response centers. Sinanay din nito ang 10,000 indibidwal o empleyado ng gobyerno, habang sinisikap nilang mapabuti ang kanilang koordinasyon sa ating mga counterparts sa ibang mga bansa.
Paliwanag ni Magsaysay, kailangang proteksyunan ang 98 milyong Pilipino online kaya itinayo nila ang Inter-Agency Response Center na sa ngayon ay sumasailalim sa ISO 27001. Ito rin ay dahil gusto nilang maging maayos ang lahat, at international class at international capability ang naturang inter-agency, kung saan ang CICC ay nagkaroon na ng 100 bilaterals para magkaroon ang Pilipinas ng komunikasyon sa 100 mga bansa at respetuhin din nila ang mga Pilipino online.
Hindi naman nabanggit ni Magsaysay ang kabuuang bilang ng mga nai-report na online sexual abuse and exploitation cases sa bansa.
Nakakalungkot isipin na itinuturing na ang Pilipinas na numero uno sa buong mundo pagdating sa naitatalang kaso ng OSAEC.
Base kasi sa mga ulat, maraming mga kabataan ang nasasangkot sa naturang kaso.
At sa halip na masolusyunan sana ang problema ay mas tumaas pa ang bilang ng mga nabibiktima at napapasok sa ganitong gawain.
Panawagan natin sa kinauukulan, agad na aksyunan sana at resolbahan na ito habang paigtingin ang mga kinakailangang kampanya para malabanan ang sekswal na pang-aabuso at pananamantala online nang hindi na tuluyang lumala pa.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com





Comments