top of page
FRANKLY - PATRICK, IBINULGAR NA TODO-REACH OUT KAY JENNYLYN NU’NG BUNTIS, SHOCKED NA BF NA

‘Pinas, lalong malulugmok ‘pag mandarambong pa ang manalo sa eleksyon, saklap!

BULGAR
Apr 2, 2022
2 min read

ni Pablo Hernandez III - @Prangkahan | April 2, 2022



BAON SA UTANG, TAPOS TAAS-PRESYO NG LANGIS, BILIHIN AT BAYARIN, AT MGA MAGNANAKAW AT MANDARAMBONG PA MANANALO SA HALALAN, ASAHAN NANG LUGMOK ANG AABUTIN NG ‘PINAS — Pumalo na sa P12.09 trilyon ang utang panlabas ng Pilipinas, tapos sunud-sunod pa ang pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo, bilihin at mga bayarin.


At kapag ang nangyari sa panahon ng krisis ay mga trapong magnanakaw at mandarambong pa ang nagwagi sa eleksyon, eh nakupo, asahan nang lalong maghihikahos ang pamumuhay ng mga mahihirap, dahil tiyak, lugmok aabutin ng Pilipinas, saklap!


◘◘◘


MAS NANINIWALA ANG MGA LOYALISTA KAY BBM KAYSA SC AT BIR — Ang sabi ng BIR (Bureau of Internal Revenue) noong March 16, 2022 ay totoong may utang na P203 bilyon estate tax sa pamahalaan ang pamilya Marcos, ang tugon dito ni presidential candidate, former Sen. Bongbong Marcos noong March 17 ay fake news ito, at para patunayang hindi fake news ito ay naglabas ang Supreme Court (SC) ng kopya ng desisyon nila na final and executory na, na inuutusan nila ang pamilya Marcos na bayaran ang utang nila sa estate tax.


Ang kwela sa isyung ito, ay ayaw nang paniwalaan ng mga Marcos loyalists ang sinabi ng BIR at ang inilabas na kopya ng SC, kasi mas naniniwala sila sa sinabi ni BBM (Bongbong Marcos) na fake news lang ang ibinabatong isyu sa kanila tungkol sa utang nilang estate tax, at dahil d’yan, tuloy pa rin ang sigaw ng mga loyalista ng Marcos pa rin, boom!


◘◘◘


MAGAGALIT TALAGA SI LACSON KASI GUSTUNG-GUSTO NIYANG MAGING PRESIDENTE TAPOS PAAATRASIN SIYA NI ATIENZA PARA SA TANDEM NA PACMAN-SOTTO — Umuusok sa galit si presidential candidate, Sen. Ping Lacson sa sinabi ni vice presidential candidate, Buhay Partylist Rep. Lito Atienza na aatras na siya (Atienza) sa laban sa pagka-vice president, at sana raw ay umatras na rin si Lacson at hayaang mag-tandem sina presidential candidate Sen. Manny Pacquiao at vice presidential candidate, Sen. Tito Sotto.


May punto naman talagang magalit si Lacson gustung-gusto nga naman niyang maging presidente, tapos sasabihan siya ni Atienza na umatras sa laban sa presidential race, ha-ha-ha.


◘◘◘


PARTYLIST NG MGA PAMILYANG TRAPO GUSTO LANG MAGKA-PORK BARREL — Desidido ang bagong Comelec commissioner na si Atty. George Garcia na sa halalang 2025 ay hihigpitan na nila ang pagtanggap ng mga partylist na nais lumahok sa halalan.

Sana nga maging mahigpit na ang Comelec sa pag-aprub ng mga partylist, at isa sa dapat nilang huwag nang pahintulutang makalahok sa halalang 2025 ay ‘yung partylist na pag-aari ng pamilya ng mga trapo (traditional politicians), na sa totoo lang naman, kaya nagtatag ng partylist ay para makatanggap ng milyun-milyong pork barrel, period!




Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page