‘Pinas, kaya bang sabayan ang e-vehicles?
- BULGAR
- Nov 29, 2022
- 3 min read
ni Atty. Rodge Gutierrez - @Mr. 1-Rider | November 29, 2022
Sa sobrang bilis nang pagbabago ng teknolohiya ay halos hindi na tayo puwedeng kumurap dahil halos araw-araw ay may mga nadaragdag at bagong nauuso hindi lang sa pagkain, gadgets at marami pang iba — kabilang na ang pagdating ng electric vehicle.
Electric vehicle ang tawag sa bagong usong sasakyan na pinatatakbo lamang ng electric motor at bateriya, wala itong tambutso, kaya wala rin itong ibinibugang usok na mabuting dulot sa hangin sa kapaligiran dahil walang polusyon.
Marami na ang klase ng electric vehicle mula maliit hanggang sa malaking sasakyan na mabibili na sa bansa tulad ng e-bike, e-trike, scooter, e-motorcycle, SUV, jeepney, bus at truck na unti-unting nakikita ng pubiko ang bentahe nito.
Mula sa araw-araw na pagsakay sa mga pampublikong sasakyan, nahumaling na ang mga komyuter na gumamit na lamang ng motorsiklo hanggang sa masiyahan na ay natutong gumamit ng race bikes o big bikes at ngayon dumarami na rin ang gumagamit ng e-bikes.
Kumpara sa mga sasakyang gumagamit ng gasolina o diesel na karaniwa’y nagbubuga ng maruming usok na pangunahing problema ng buong Metro Manila dahil sa maitim na ang itaas na bahagi na ng nasasakupan nito.
Sa pag-aaral na isinagawa ng Greenpeace Southeast Asia at ng Center for Research on Energy and Clean Air, ang usok mula sa mga sasakyang gumagamit ng gasolina at diesel ang dahilan ng kamatayan ng maraming Pilipino.
Base sa unang inilabas na ulat ay umabot sa 27,000 katao ang binabawian ng buhay taun-taon dahil sa nakalalasong hangin, ayon sa pag-aaral ng mga eksperto at ikatlo ang ating bansa sa buong Asya na marami ang namamatay dahil sa air pollution.
Kaya namamayagpag sa ngayon ang mga e-vehicle, ngunit marami pa rin ang nagtatanong kung napapanahon nga bang bumili ng mga ganitong klase ng sasakyan na ayon naman sa mga mayroon ng e-vehicle ay marami umano ang bentahe.
Unang-una ay hindi nga naman sakop ng number o color coding scheme ang e-vehicle na napakalaking bentahe bukod pa sa may espesyal na pate number na ibinibigay ang Land Transportation Office (LTO) at napakabilis pa ng proseso sa pagpaparehistro.
Hindi rin damay ang e-vehicle sa patuloy na pagtaas ng petrolyo at kahit tumaas ang kuryente ay mas mura pa rin kilowatt-hour per liter dahil ang natatakbo ng e-vehicle ay mas mababa ang gastos kumpara kung magkakarga ng gasolina.
Sa ngayon ay problema pa ring kinahaharap ng mga may-ari ng e-vehicle ay ang mga parking lots na dapat may charging stations, ngunit may malls na naglagay na ng charging stations, tulad ng Robinsons, Ayala at iba pang establisimyento na inaasahang madaragdagan pa sa paglipas ng panahon.
Umiiral na batas na ngayon ang RA11697 o EVIDA Law (EV Industry Development Act) na nakapaloob sa ilalim nito ang mandato sa mga ahensya ng gobyerno na ipatupad ang eksklusibong parking lot sa mga itatayong gusali.
Dapat lagyan ng charging stations ang mga parking area at gasolinahan sa bansa at hindi dapat bigyan ng building permit ang magtatayo ng gusali kung wala nito.
Kung gagamitin sa pamamasada ang e-vehicle, dapat ay mabilis ang proseso sa pagkuha ng prangkisa at dapat idagdag din sa TESDA ang kurso hinggil sa pagkukumpuni at tamang paggamit ng e-vehicle.
Hindi na talaga mapipigil ang pagdami ng mga gumagamit ng e-vehicle dahil dalawang dekada na simula nang dumating ang unang hybrid vehicle sa merkado na ngayon ay unti-unti nang umaani ng tagumpay.
Marami ng car manufacturers ang nag-anunsyo na plano nilang itigil ang paggawa ng internal combustion engine (I.C.E.) vehicle sa susunod na 10 hanggang 15 taon at ang Jaguar ay plano nang e-cars na lamang ang ipagbibili sa 2025 at maraming manufacturer na ang gumaya.
SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09063043012, GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.








Comments