top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

‘Pinas, imbes mahalin, makukutya pa sa palpak na campaign video

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jul 3, 2023
  • 1 min read

@Editorial | July 3, 2023


Kasunod ng pahayag ng Department of Tourism (DOT) na iimbestigahan ang "Love the Philippines" campaign video, naglabas na ng pahayag ang ahensyang gumawa nito.


Humingi ng paumanhin ang DDB Philippines para sa anila'y "unfortunate oversight" hinggil sa pagsasama ng non-original stock footage sa audiovisual presentation.


Kasabay nito ang pag-ako sa buong responsibilidad.


Una nang nag-viral online ang mga post na sablay ang video sa bagong kampanya ng DOT.


Base sa post ng isang blogger, ang tourism video na inilabas ay gumamit ng ilang stock video clips mula sa Storyblocks, isang subscription-based stock footage website, na hindi kinunan sa Pilipinas.


Hindi umano bababa sa limang eksena ang kinunan sa ibang bansa: rice terraces (Bali, Indonesia); mangingisdang naghahagis ng lambat (Thailand); isang pampasaherong eroplano na papalapit sa runway (Zurich, Switzerland); tumatalon na mga dolphin (hindi natukoy na lokasyon ngunit hindi sa Pilipinas); at taong nagda-drive sa sand dunes (Dubai, United Arab Emirates).


Nauna nang sinabi ng pamunuan ng DOT na gumastos ng P49 milyon sa “Love the Philippines” campaign at slogan. Bagay na umani rin ng iba’t ibang reaksyon na tiyak pang lalong iinit dahil sa isyu naman sa campaign video.


Sa kabila ng paghingi ng sori ng DDB, marapat pa ring magsagawa ng imbestigasyon para malaman kung bakit ito nangyari at para hindi na rin maulit.


Sa totoo lang, napakaraming magagandang lugar sa Pilipinas na puwedeng ibida sa buong mundo, hindi natin kailangang mang-akin sa ibang bansa.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page