top of page
Isko Moreno Domagoso - FB.jpg

‘Pinas, huwag hayaang magamit sa ilegal na droga

Writer: BULGAR
BULGAR
Mar 13, 2024
2 min read

ni Ryan Sison @Boses | Marso 13, 2024


Higit pang pagpapatrulya sa loob ng karagatan ng bansa habang pag-iibayuhin ng ating kapulisan ang koordinasyon sa mga foreign counterpart para masugpo ang drug trafficking. 


Ayon kay Philippine National Police (PNP) spokesperson Col. Jean Fajardo, may posibilidad na nakapasok na ng bansa ang mga foreign drug syndicate mula sa South America at ginagamit ang Pilipinas bilang ‘transshipment point’ para sa cocaine smuggling.


Ito ay matapos aniya, na matagpuan ng mga mangingisda ang 20 brick ng cocaine na nagkakahalaga ng P111.8 milyon sa territorial waters ng Barangay Tangbo, Arteche, Eastern Samar nitong Biyernes, March 8.


Sinabi rin ni Fajardo na hindi ito para sa ‘local distribution’ dahil maliit lang ang market ng cocaine sa ating bansa, at nananatili na ang top abused drug ay shabu.


Gayunman, mas pinaigting na ng PNP Maritime Group ang pagpapatrulya sa ating mga municipal waters habang ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Philippine Coast Guard (PCG) at Philippine Navy ay patuloy na pinalalakas ang kanilang kakayahan sa seaborne operations upang bantayan ang baybayin ng bansa laban sa pagpasok ng mga international drug smugglers at poachers. 


Iniimbestigahan na rin ng PNP ang posibleng nakapasok na foreign drug syndicate na sinasabing nakabase sa South America.


Sa kanilang latest recovery, ang bilang ng mga cocaine bricks na nasamsam ng PNP sa territorial waters ng bansa ay naging 255 na, kasunod ng pagkakasamsam ng 226 bricks noong 2009 at siyam na bricks naman noong 2010. 


Subalit giit niya, hindi sila 100 porsyentong tiyak kung ang source ng cocaine bricks na narekober partikular noong 2009 at 2010 ay parehong source ng mga narekober na droga na hawak nila ngayon. Ang drug smuggling o trafficking ay nangangailangan ng elaborate funding at proteksyon mula sa isang drug syndicate, at may posibilidad na ang mga foreign drug traffickers ay nakalusot sa merkado ng Pilipinas.


Hindi biro ang nasabat na mga bloke ng cocaine sa karagatan ng ating bansa. Gayundin, hindi mabuti na tila ginagawang transshipment point ang ‘Pinas ng mga foreign drug syndicate para sa smuggling ng droga.


Batid naman natin na problema na talaga sa ating bansa ang illegal drugs, at hirap din na labanan at sugpuin ito ng pamahalaan, pero bakit may nakakapasok pa na dayuhang drug syndicate? 


Marahil, nagiging maluwag ang kinauukulan sa pagbabantay sa mga entry point ng bansa, pati na rin sa ating borders. 


Dapat sigurong mas paigtingin ng magkakaugnay na ahensya ng gobyerno ang kanilang pagpapatrulya at higpitan nang husto ang pagpapapasok ng anumang shipment upang walang makalusot na ilegal na kontrabando sa kanilang hurisdiksyon.  


Huwag nating hayaan na gamitin ang ating bansa sa masamang gawin habang proteksyunan ang mga mamamayan laban sa sindikato ng droga. 


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page