top of page
Search
  • BULGAR

‘Pinas, handa ba sa monkeypox?

ni Ryan Sison - @Boses | May 26, 2022


Kung nakapasok ang monkeypox sa ibang bansa na hindi endemic o karaniwan ang sakit, posibleng makapasok din ito sa Pilipinas.


Ito ang inamin ng Department of Health (DOH) kamakailan at kasabay nito, tiniyak ng kagawaran na kasado na ang mga hakbang kontra monkeypox.


Sa kasalukuyan, 12 bansa ang may pinakabagong kaso ng monkeypox, kabilang ang siyam na bansa sa Europa, Estados Unidos, Canada at Australia.


Itinuturing umanong notifiable disease ang monkeypox, ibig sabihin, lahat ng mga suspected case ay dapat maiulat sa ahensiya.


Samantala, magpapatupad ng “four-door strategy” ang pamahalaan, kabilang ang paghihigpit sa mga borders ng bansa para hindi makapasok ang sakit.


Kabilang din sa istratehiya ang pagpapatupad ng restriksiyon sa mga biyahero at pagpapatupad ng ban bilang pangunahing lebel ng depensa.


Masusing isasagawa ang screening, testing at quarantine sa mga ‘points of entry’, gayundin, nakatakdang magtalaga ng isolation at quarantine facilities kung sakaling may biyaherong makikitaan ng sintomas ng naturang sakit. Kabilang din ang pagpapalakas ng kapasidad ng health at critical care upang mapangalagaan ang mga pasyente.


Siguro naman, natuto na tayo mula sa pandemya. Nakita at nalaman natin ang kahalagahan ng pagpaplano at mabilis na pag-aksiyon.


Habang walang naitatalang kaso ng monkeypox sa bansa, mabuting malaman na may plano ang pamahalaan sa pagkakataong ito.


Hindi natin alam kung kailan makakapasok sa bansa ang sakit, pero ‘ika nga, hindi sa pagiging nega, mas mabuti lang na alam natin ang gagawin kung dumating man tayo sa puntong ito.


At sana, masunod at maisagawa nang maayos ang mga hakbang na ito.

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

0 comments

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page